Sagalang mieymbro ng LGBTQ. Kuha ni Ernie Esconde
SAMAL, Bataan — Umaatikabong yugyugan ang sumalubong sa panimulang araw ng Santakrusan ngayong Linggo sa iba-ibang bahagi ng bayang ito.
Balik sa dati, ika nga matapos matigil ang ganitong selebrasyon ng dalawang taon dahil sa pandemyang dulot ng coronavirus disease.
Sa Barangay Santa Lucia, iba-ibang grupo ang humataw kasunod sa bawat sasakyang may umaatungal na tugtugin buhat sa mga loud speaker.
Kapuna-puna ang dalawang grupo ng mga sumasayaw na suot ang ang mga T-shirt na may pangalan ng kanilang kandidato sa pagka-mayor.
Ang isang grupo ay maka-incumbent Mayor Aida Macalinao samantalang ang isa pang grupo ay sa kalaban naman nito na negosyanteng si Alex Acuzar.
Walang hidwaan, walang tudyuhan sa halip ay masigabong hatawan ang ginawa ng dalawa at iba pang mga grupo na kinabibilangan ng Tropang Talpak, Maubest, Kaisa ako, Mayor Aida pa rin, at iba pa.
Naggagandahan ang mga kasuotan ng mga bata at dalagang sagala lalo na ang Reyna Elena.
Sa Barangay Sapa, mga kasapi ng Lesbian, Gay, Bi-sexual, Transgender and Questioning (LGBTQ) community ang mga kalahok mula sa sagala, konsorte at mismong Reyna Elena.
Nagpabonggahan ang mga kalahok suot ang naggagandahang mga gown.