Pulis patola

    3996
    0
    SHARE
    MARTES. DALAWANG babaeng pulis ang nagbibidahan sa harap ng nakahandusay na bangkay ng umano’y carjacker sa mismong pangunahing kalsada ng bayang Sta. Ana.

    “Tama ko yun,” sabi ng isa, turu-turo ang butas sa sentido ng kawawang mama.

    “Akin naman yun,” sabat ng ikalawa, punto ang hintuturo sa katawan ng biktima.

    Biglang dating ng konsehal ng Angat, Bulacan na nagmamay-ari sa sasakyang na-carjack: “Driver ko yan, hindi carjacker. Siya ang hinostage ng tunay na salarin.”

    Tameme ang dalawang pulis.

    Kinabukasan, sa halip na medalya ng kagalingan, suspensiyon ang iniambang sa kanila’y ipataw.

    Miyerkoles. Ang hepe ng Station 1 sa Angeles City at tatlo sa kanyang mga tauhan ang sinibak sa kanilang puwesto matapos makunan sa closed-circuit television (CCTV) ng Hotel Stotsenburg ng umano’y panghuhuthot nila ng P400,000 mula sa pamangkin ni Cong. Tarzan Lazatin.

    Nitong nakaraang linggo lamang, isang dating pulis naman ang nagwala sa loob ng isang videoke bar sa Mexico at pinagbabaril hanggang mapatay ang babaeng may-ari ng inuman at kanyang bouncer.

    Pulis na nanggugulo sa videoke din ang nagbunsod sa akin na muling ilabas dito ang isang sanaysay may isang taon na ang nakararaan.



    “DIMONYO YUNG pulis na nakasabay ko sa isang videoke,” bungad ng kuwento sa akin ni kasamang Ashley Manabat. “Aba’y sukat ba namang tinutukan niya ng baril sa bunganga ang GRO na itini-table niya nang ibigay na nito ang chit ng mga nainom niya.”

    “Matapos magmura, bigla pa nitong pinaharurot ang kotse niya at hindi nagbayad ng chit. Ang matindi dito, pangalawang beses na raw niyang ginawa yun doon,” dagdag pa ni Ashley.

    Abusadong pulis sa videoke, sa kuwento ni Ashley. “Hold-upper” na pulis naman sa Fields Avenue ang walang katapusang kasaysayang nakalahad sa centralluzoncorruption.com.
    Ano ang bago rito? Ito rin ang buod ng isang sanaysay na sinulat ko sa Angeles Sun  isyu ng Mayo 14-20, 1989 o higit na dalawampung taon na ang nakararaan.

     
    Huwag lang pulis!


    ISANG SAPA ang pinamumugaran ng kawan ng buwaya. Lahat ng magdaan dito ay kanilang nilalapa. Minsa’y isang pulis ang tumawid. Sa pagtataka ng marami ay di man lang siya pinansin ng kawan. Ani ng mga buwaya: “Di kami kumakain ng aming kauri. Ano kami, kanibal?”

    Isang namamalimos ang humihingi sa Diyos ng P100 habang nakalugod sa simbahan. Sa awa ng pulis na humihingi naman ng kapatawaran sa tabi niya ay inaubtan ang pulubi ng natitirang P80 sa kanyang piyaka. Sabin g pulubi: “Salamat po Diyos ko sa inyong tulong, pero sa susunod marapatin ninyong huwag nang idaan ito sa pulis para wala nang kaltas.”

    Sa isang komiks sa Inquirer, inilarawan ang bungangerang maybahay ng isang sundalo na walang tigil sa kamumura sa di kumikibong kabiyak. Tanggap lang ni sarhento ang lahat ng mura, hanggang sabihan siya ni babae nang “Para kang pulis!” Bigla kamong pinitseryahan ng sundalo ang kanyang asawa sabay sabing: “Tawagin mo na akong dimonyo, Hudas, Hestas o Barrabas; tawagin mo na ako ng kahit ano, huwag lang pulis!”

    Maaaring hilaw na mais ang dating ng mga salaysayin sa itaas subali’t ang mga ito ay malinaw na direktahang pagkundena sa ating pulisya. Ito ay insulto sa pulis.

    Alam nating hindi lahat ng buwitre ay pulis na naninibasib sa mga tindera sa palengke, sa sidewalk at sa mga kalsada, sa mga drayber ng dyipni, sa mga bahay aliwan, pati na sa mga nagbebenta ng aliw. Mas matindi pa nga raw ang pangingikil ng mga diumano’y alagad ng bisyo (vice squad) ng kung sinong sira-ulo.

    Mulat din tayo sa kalagayang hindi lahat ng buwaya ay mga pulis na lawit ang dila, tulo-laway, bukas palad, bulsa at bunganga sa mga inihahagis ng mga nagpapa-jueteng, nagpapa-monte at nagpapa-sakla. Ang teritoryong ito ay bukas din sa mga bataan ng mga pulitiko, iba pang mga armado, at – masakit man – sa mga manghuhuthot na anila’y mga mamamahayag.

    Sa kabila ng lahat ng ito e bakit pulis ang pinagdidikitahan ng mga puna’t hagupit?

    Dahil sa bondat ang tiyan ng pulis? Dahil mahilig sa borloloy sa katawan ang mga lider-pulis na para bagang mga galing ng Saudi? Dahil mahilig ba sa Octagon at iba pang bahay aliwan ang mga lahing-pikutin at maraming tsiks (kuno) na pulis?

    O baka naman wala lang tinatawag na finesse sa pakikipagpa-lagayan ang mga pulis? Masyado lamang silang garapal?

    Anu’t ano pa man, ay atin sanang isaisip na hindi lahat ng pulis ay masiba. Nguni’t dahil sa kasalanan ng iilan at kapabayaan ng marami, buwaya’t buwitre ang nagiging larawan ng pulis sa madla.

    Gawan sana naman ng paraan ng kinauukulan na linisin ang hanay ng pulisya upang ang mga kasapi dito ay muling matagurian na mga alagad ng batas. Hindi kampon ni Satanas.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here