OLONGAPO CITY – Patay ang isang pulis makaraan umanong maaksidenteng mabaril ng kapwa nito pulis nang paglaruan nito ang hammer ng baril habang ito ay nasa sentinel post ng Camp Manuel F. Cabal, Barangay Barretto sa lungsod na ito.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si PO1 Rogene Estrada, 31, residente ng Barangay Faranal, San Felipe, Zambales at nakatalaga sa Olongapo City Mobile Group.
Sa imbestigasyon ng pulisya naka-duty sa main gate ang biktima nang maaksidente itong mabaril sa dibdib ng kalibre 38 baril ni PO1 Alexander Quiming, 37, at residente ng Camp Cabal at nakatalaga rin sa Olongapo City Mobile Group
Ayon sa ulat nakikipagkwentuhan sa kapwa pulis si Quiming nang magbunot ito ng baril at paglaruan ang hammer ng baril hanggang sa makalabit ang gatilyo at tamaan ang biktima na noon ay may kausap dalawang metro ang layo mula sa suspek.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre 38 paltik na baril.
Ang biktima ay kaagad na isinugod sa Our Lady of Lourdes International Medical Hospital, subalit ideneklarang patay batay sa isinagawang pagsusuri ni Dra. Christine Baluyot.
Batay sa rekord ng pulisya, ang suspek ay suspendido sa police service mula May 1, 2013 hanggang June 29, 2013 sa ilalim ng Special Order 249 dated May 6, 2013.
Kaagad namang tumakas ang suspek at ngayon pinaghahanap ng kapwa nito pulis.
Sa kabilang banda, labis na nagtataka ang mga ilang nakakakita kay Quiming sa kabila ng kanyang suspension order ay pinapayagan pa itong makapagdala ng baril gayung nasa ilalim pa ang buong bansa sa pinaiiral na gun ban.
Ang suspek ay nahaharap naman sa patong-patong na kaso.