Home Opinion Pulis kotong, huli sa ‘extortion’

Pulis kotong, huli sa ‘extortion’

90
0
SHARE

MATINDING dagok sa hanay pati na r’yan
ng mga matino nating kapulisan
itong magkasunod na napabalitang
di kaaya-ayang ginawa ng ilan

Kung saan tulad ng dati ay ‘extortion’
at/o sapilitang panghihingi ng ‘tong’
sa biyahero ang ikinatiklo nitong
pulis Nueva Ecija at ating karehiyon.

Pabarya-barya lang itong ‘kinikita’
mula sa ‘truckers’ ng pulis Nueva Ecija,
pero ang Hepe ng Sasmuan, di barya
kung humingi ng ‘tong’ sa ‘kliyente’ niya

Kundi ng ‘in thousands’ kung siya’y sumingil
kapalit ng bigay na ‘permit’ marahil
sa isang magpeperyang di niya akalaing
isuplong siya sa otoridad natin

Na nagresulta nga sa pagkakahuli
kay Police Chief Romeo Bulanadi
‘in an entrapment’ na ikinasa pati
ng nakatataas na kapuwa PNP.

Napakabobo mo naman yata Hepe
at di mo naisip na may CCTV
mismo sa loob ng iyong opis pati
na siyang magdidiin sa iyong sarili?

Di pa ba sapat ang iyong tinatanggap
na sueldo mo bilang Alagad ng Batas
ngayong sa ‘take home’ mo ang halos nadagdag
ay ibayo kaysa dating natatanggap?

Sayang, kung kailan ka ‘promoted’ bilang Chief
mula sa pagiging karaniwang pulis
ay saka ka biglang sa tukso nabingwit
at ang hantungan ay tiyak pagkapiit?

Ganun din ang anim nating kapulisan
sa Nueva Ecija na ‘extortion’ din naman
ang naging kaso ay anong maasahan
kundi pagkakulong din ang kauwian?

Pagkaganda-ganda man nang ninanais
ni Digong, ang maging imahe ng pulis
ya’y di maiwasang magkarun ng batik
nang dahil sa ibang sa bisyo’y makapit

Na di makuntento sa iisang pugad
kung kaya para n’yan mabigyan ng sapat
na suporta pati asawa at anak,
nakagagawa ng bagay na di dapat.

Kaya tama lang ang mga paalala
ng ating PPPO Joel Consulta,
na mag-isip ng dalawang beses muna
bago gumawa ng ipagkakasala.

Na batid na nilang sinumang lumabag
sa nasasaad sa ‘ting Saligang Batas,
kasama pati na rin ang matataas,
na opisyal ay sa kulungan ang bagsak.

Oras makagawa ng di ikapuri
ng sarili at ng kapamilya pati,
kung kaya nga’t sadyang hangga’t maaari
ay maging maingat sila sa sarili

At kung saan di lang pagkatao’t dangal
itong sa bangin ng kapariwaraan
ang manganganib na maburang tuluyan
kundi pati na rin kapamilyang mahal!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here