ABUCAY, Bataan: Medyo mahina pa ang benta ng mga pailaw at mahigit sa doble ang presyo ng mga ito ngayon kumpara sa dati, daing ng mga tindera sa bayang ito ngayong Huwebes.
Ang mga tindahan ng iba-ibang pailaw ay nasa ilalim ng malalaking tent na itinayo sa tabi ng sapa malapit sa pamilihang bayan ng Abucay.
May nakabantay na firetruck at mga tauhan ng Bureau of Fire Protection sa lugar.
“Hindi pa masiyadong mabili, baka sa December 31 pa,” sabi ng isa sa mga tindera na si Teresa Mercado na nagsimulang magtinda sa Abucay noong December 27. “Tumaas ang presyo, halimbawa ang 16 shots na dati P1,500 lang pero ngayon P3,500 na benta,” dagdag ni Teresa.
“Mahal, halos lahat tumaas,” sabi naman ni Joann Mercado.
“Mahina pa benta at tumaas ang presyo. Ang kuwitis na dati P10 ngayon P20 na. Ang iba triple itinaas,” sabi ni Catalina Ramirez.
Kinumpirma ni Bella Mercado na ang kuwitis na dating P10 ay P20 na ngayon. Ang firework na dati P1,500 ay P3,500 na, sabi nito habang ipinapakita ang mga paninda. “Ang fountain na dati P100 ngayon P250 na.”
Bilang pag-iingat, sinabi ni Bella na lahat ng bawal hindi nila ibinebenta tulad ng piccolo, 5 star, sawa at pla-pla.
Ayon kay FO1 Van Ivan Fabian ng Abucay BFP, nagsasagawa sila ng monitoring para sa maayos at ligtas na New Year. “Ready mga tindahan, meron silang fire extinguisher, buhangin at tubig na first aid kung magkakaroon ng sunog.”
“Ipinagbabawal ‘yong malalakas tulad ng sinturon ni hudas at mga pailaw ang ibinebenta na may kaukulang permit. So far wala kaming nakikitang illegal na ibinebenta,” sabi ng fireman.