Home Opinion ‘Political will’

‘Political will’

1069
0
SHARE

KUNG ANO ang tunay na ibig tukuyin
nitong kung tawagin ay ‘political will’
sa daigdig nitong mga talusaling
ang pansamantalang pag-usapan natin.

At itanong pati kung batid nga nila
ang tunay na diwa nito at esensya,
kung saan baka ang akala ng iba
iyan ay ‘slogan’ lang sa pulitika.

At di nga alam ang tunay na larawan
ng ‘political will’ nitong karamihan,
kaya ang resulta kapagka nahalal,
ang akala nila’y basta maupo lang.

At ibang ‘will’ na lang ng pagpapasarap
sa buhay ang tanging haharapin agad;
Kung saan kapalit ng kuwartang winaldas
sa pagtakbo, ang tuwirang nalalabag.

Gaya halimbawa ng walang hinayang
magtapon ng milyon para lang mahalal,
‘yan sa akala ba natin kababayan
ay magiging tapat sa panunungkulan?

At di ‘paniningil’ sa ating gobyerno
ang gagawin oras maupo sa puesto,
sa ‘millions of pesos’ na nilaspag nito
sa pangangampanya para lang manalo?

Kaya naman lubhang mababa ang bilang
ng mga pinalad sa puesto mahalal,
laban sa mapera’t makapangyarihan
saan mang anggulo natin pakatingnan.

Kaya suma total, itong kapus-palad
na ni walang tangan na kutsarang pilak
ang di mabigyan ng tsansang maka-akyat
sa paanan man lang ng mababang antas;

Ng pamahalaan na pinamugaran
ng mga ‘corrupt’ at walang kabusugan,
at kung saan itong ating Inanbayan
ang siyang sa kalbaryo ang pihong papasan.

At kung saan tiyak pagsasamantala
sa kaban ng bayan ang lalong lalala,
pagkat ang namili ng boto ay wala
nang iintindihin pa para sa bansa.

At sariling ‘will’na ang mangingibabaw
sa puso at baluktot na kaisipan
nitong di malayong pagdating ng araw
ang mga bulsa n’yan ang bundat sa kapal;

Habang ang sikmura naman ni Juan, hungkag
at walang mainom kahit kapeng-bigas
sanhi ng nasimot na ng mga ungas
ang kabang-bayan ng bansang Pilipinas.

Bunsod nga nang imbes suklian, malasakit
ng mga ito ang tungkuling nasungkit,
pangungarakot at gawang di matuwid
ang inatupag at hindi ‘public service’;

Kundi ng kakaibang ‘will’ na pangsarili
nitong ‘we can see now, but later cannot see’
na palaging nanga-ngakong magsisilbi
ng tapat, pero iba ang nangyayari.

Kung kailan pa tayo ganap makabangon
sa pagkagupiling laban sa ‘corruption,’
ang tanging posibleng mabisang solusyon:
Federalismo ang marapat isulong!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here