SUBIC BAY FREEPORT— Mahigit sa 100 miyembro ng SBMA Law Enforcement Department (SBMA-LED) ang sumailalim sa dalawang araw na seminar sa “Plate Spotting” sa motor vehicles at motorcycles ang isinagawa ng Olongapo City Highway Patrol Group (OCHPG) na ginanap sa Subic Bay Art Center (SUBAC) na nagsimula noong Lunes ng hapon.
Ang seminar ay pinamunuan ni OCHPG Provincial Officer, Chief Inspector Noel Nuñez. Ito ay batay sa kautusan ni HPG Region 3 Director, Senior Supt. Fernando Villanueva na kinakailangan sumailalim ang SBMA-LED upang malaman ang ibat-ibang kahalagahan kung paano ipatupad, makilala ang original at peke na plaka ng sasakyan.
Isinagawa ang seminar matapos na mapagkasunduan nina Villanueva at SBMA-LED Department Manager, Retired General Orlando Maddela, Jr., na kinakailangan sumailalim sa seminar ang mga tauhan ng SBMA-LED para mabigyan ng kaalaman sa plate spotting.
Ang SBMA-LED ang siyang makakatulong ng HPG sa pagsugpo sa smugglng ng mga sasakyan at mga hindi rehistradong sasakyan sa loob ng SBMA at Olongapo City.
“Ang gagawin ng SBMA-LED kapag may makita silang kahina-hinalang sasakyan ay maari nilang itawag sa tanggapan ng HPG at amin itong rerespondehan”, ani Nuñez.
Nakapaloob sa seminar kung paano makilala ang mga pekeng plaka ng mga sasakyan, paano ika-classify, gayundin kung paano malaman ang mga pekeng drivers license, Official Receipt (OR) at Certificate of Registration (CR).
Sinabi ni Nuñez sa mga taga SBMA-LED na kinakailangan na gamitin natin ang “matang lawin” sa pagtingin sa mga plaka ng sasakyan.