LUNGSOD NG BALANGA — Masayang ipinaalam sa kanyang mga kababayan ni Gov. Albert Garcia nitong Linggo na tuloy-tuloy ang pag-usad ng proyektong Bataan–Cavite Interlink Bridge na mag-uugnay sa dalawang lalawigan sa pamamagitan ng Manila Bay.
Ibinalita, aniya, ni Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and Highways na kumpleto na ang feasibility study para sa 32.5-kilometer na habang tulay.
Noong nakaraang Oktubre lamang, ani governor, ay napirmahan na ang engineering design contract na nagkakahalaga ng $59 million.
Nauna rito, inaprubahan ng National Economic and Development Authority ang budget sa paggawa ng tulay sa halagang P175.7 billion.
Sinabi ni Garcia na ang tulay ang isa sa pinakamalalaking proyektong imprastrakura sa ilalim ng Build, Build, Build program ng administrasyon ni Pangulong Duterte. Ito, aniya, ang tinatayang magiging pinakamahabang tulay sa buong mundo sa labas ng bansang China.
Nakatakdang simulan ang paggawa ng interlink bridge sa 2022.
Ang starting point ng tulay ay sa Barangay Alas-Asin sa Mariveles papuntang Naic, Cavite.
“Inaasahan ang malaking impact ng Bataan-Cavite Interlink Bridge sa ekonomiya hindi lamang para sa mga Bataeno, kung hindi pati na rin sa ating mga karatig na rehiyon. Mapapabilis ang paglalakbay sa pagitan ng National Capital Region at Regions 3 and 4,” paliwanag ng governor.
Inaasahan umano ang pagdagsa ng mas maraming job opportunities para sa kanyang mga kababayan.
Bago pa man simulan ang interlink bridge ay patuloy na ang pagpapalapad sa Roman Highway na dadaanan sa pagtawid sa tulay. Mula sa four lanes ay ginagawa itong six lanes.
Konektado ang Roman Highway sa Subic-Clark-Tarlac Expressway na ang labasan–pasukan ay sa Hermosa, Bataan at sa North Luzon Expressway sa City of San Fernando sa Pampanga.
Samantala, natutuwa naman si dating Subic Bay Metropolitan Authority chairman Felicito Payumo at matutuloy na rin ang proyekto.
Congressman pa noon ng Bataan first district ay isinusulong na ni Payumo ang pagdurugtong ng Cavite at Bataan sa pamamagitan ng dagat upang maibsan ang matinding traffic sa Metro Manila.