Daming tv households ang nakatutok sa unang araw ng Dahil Sa Pag-ibig noong Lunes. Very curious ang karamihan sa pagsasama-sama nina Boyet De Leon, Jericho Rosales at Piolo Pascual sa iisang serye kaya talagang all-out ang support ng mga komuniudad sa Dahil Sa Pag-ibig.
Pero bago noong Lunes, very successful ang celebrity screening ng Dahil sa Pag-ibig l dahil sa sobrang papuring tinanggap ng serye matapos mapanood ng entertainment press, invited guests at celebrities ang first five episodes. Impressive ang kuwento at pagkakagawa ng pilot week.
Arresting agad ito at ’yung tipo na mahu-hook ka agad para subaybayan gabi-gabi. Sa first five episodes ay na-establish ang story. Hindi pa ipinakita si Maricar Reyes sa pilot week, pero sa trailer, magiging love interest niya si Jericho Rosales.
Binibiro naman namin si Cristine after the screening na sobrang iyakin naman pala ang role niya rito dahil wala siyang ginawa kundi umiyak dahil sa bawal na pag-ibig para sa karakter ni Piolo.
As usual, ang galing-galing ni Boyet de Leon sa kanyang mga eksena, ganundin ang asawa niyang si Sandy Andolong. Hindi rin nagpatalbog si Ronaldo Valdez na hindi matatawaran ang husay sa scenes.
Bandang huli na nakita si Echo sa screen pero kahit ganu’n ay nagmarka rin agad ang kanyang karakter.
Actually, habang nanonood kami, inaabang-abangan namin ang paglitaw niya.
Pero kung maganda ang pilot week, parang mas kaabang-abang ang second week dahil ipinakita sa trailer ang love scene nina Piolo at Cristine at ang pag-develop pa ng karakter ni Echo plus ang pagpasok nina Maricar, Denise Laurel at Rafael Rosell.
Tuwang-tuwa si Cristine sa napakagandang feedback after the screening. Kuwento niya, habang pinapanood, naiyak pa rin siya sa mga eksena.
“I’m so happy. Super. And naiyak pa rin ako kahit alam ko na ’yung story and excited ako, sobrang excited ako rito sa bago kong project. Sobrang parang mahal ko siya, ganu’n,” say ni Cristine.
First time niyang makatambal si Piolo kaya kinumusta namin kung ano ang feeling na makatrabaho ang aktor.
Ang sarap niya katrabaho, wala akong masabing hindi okay kay Piolo. Parang lahat, okay, saka sobrang gusto ko siya as a person.”
Pero aminado siyang noong una, may awkward moment sa pagitan nilang dalawa.
“Nu’ng umpisa, meron talaga, tahimik lang ako sa set, sobra, lalo na ’pag nandiyan siya sa tabi ko, hindi ako nagsasalita. Eh kasi, nahihiya ako, eh. ’Yung hindi ako katulad nu’ng para sa ibang tao na madaldal or kaya naman makuwento. Pero pagdating sa kanya, parang tatahimik ako.”
Ngayon daw, medyo nakakapag-adjust na siya kaya medyo comfy (comfortable) na siya.
“Ewan ko, there’s something in him na medyo parang maiilang ka, parang mahihiya ka, parang kikiligin ka, ganu’n.”
Tungkol naman sa love scenes nila ni Piolo, ani Cristine, sinunod lang niya ang instructions ng direktor.
Nagpaalam ba siya sa boyfriend na si Rayver Cruz?
“Hindi ko naman din po kailangang magpaalam kasi trabaho naman po ’to. Hindi naman siya nagseselos kay Piolo. Natutuwa pa ’yun.”
So, si Rayver hindi rin kailangang magpaalam sa kanya kapag may kissing scene ito?
“Hindi rin po, kasi work naman ’yan. Magpapaalam ako, siyempre, kung hindi work tapos makikipag-kissing ako,” natatawa niyang sabi.
Sa kanyang lovelife ngayon, deskripsyon ni Cristine ay “sakto” lang, steady lang. Unlike before na sobrang maintriga, ngayon, tahimik na raw ang lahat.