Pila ng tankers sa pagkuha ng LPG humaba na naman

    465
    0
    SHARE
    MARIVELES, Bataan – Humaba na naman ang pila noong Linggo ng malalaking tanker buhat sa iba’t-ibang lugar upang magkarga ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa terminal ng Liquigaz sa Alas-Asin, dito.

    Ayon kay Fernando Quijano, isa sa mga driver ng Costal Flame mula sa Cavite, na Huwebes pa lamang ay nakapila na siya at naghihintay ng tawag mula sa Liquigaz upang makargahan na ang kanyang LPG tanker.

    “Wala kaming nararamdamang shortage ng LPG kundi talagang mahaba lamang ang pila,” sabi ni Quijano at ng isang pang driver na si Honesto Daza.

    Sinabi ng dalawa na kontrolado ang pagbibigay sa kanila ng LPG ng Petron sa Limay, Bataan kaya tumatakbo sila sa Liquigaz.

    “Unang binibigyan ng supply  ng Petron ang sarili nilang mga haulers samantalang kami’y independent haulers lang naman ,” paliwanag ni Daza.

    “Mag-antay at magtiis, ito ang dalawang salitang ginagamit namin dito ngayon,” sabi ni Daza kasama ang iba pang mga driver at pahinante ng mga mala-higanteng tanker na nakapila paharap sa dagat ng Alas-Asin at nakatalikod sa bundok ng Mariveles.

    Nagdagsaan din ang maraming tankers sa Mariveles sapagka’t ang mga dating kumukuha ng LPG supply sa Shell Batangas ay nahihirapan diumano sa pagbiyahe sa nasabing lalawigan dahil may isang tulay na nasira o kinukumpuni.

    Ilang driver mula sa Cavite, Bulacan at Isabela ang kumumpirma na may isang tulay na nasira papunta sa Batangas at malaking abala ang biyahe doon kaya sa Liquigaz tumakbo ang mga tankers na naging isang dahilan kung bakit humaba ang pila.

    Walang  matanong na opisyal mula sa Liquigaz terminal kung sapat ba o hindi ang supply nila ng LPG.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here