Paurong ang kalidad ng edukasyon?

    431
    0
    SHARE

    Kung bakit sa ngayon ay medyo mabigat
    At magastos ang magpa-aral ng anak,
    Ya’y bunsod ng taon-taon tumataas
    Ang ‘tuition fee’ sa halos lahat ng antas;

    At kung saan pati gamit sa iskwela
    Ng mga bata ay pamahal lagi na,
    Partikular na ang librong gamit nila
    Na papalit-palit at di lang iisa

    Itong taon-taon ay pabago-bago
    Ang nilalaman n’yan at saka disenyo,
    Kung kaya imbes magamit uli ito
    Ng nakababata, basura nang piho

    Pagkat ito na rin ang pinaka-‘workbook’
    Nitong mga bata sa kanilang ‘homework’
    Kung saan bawat katanungan at sagot
    Ay naisulat na rin syempre sa loob.

    Kaya papano pa nga yan magagamit
    Ng nakababatang kanilang kapatid
    Kung kagaya nitong lahat nakatitik
    Sa bawat pahina ng aklat na gamit?

    Isa lamang yan sa posibleng dahilan
    Kung bakit ang edukasyon ay pamahal
    Sa halos lahat ng antas o baitang
    Ng pandayan ng isip at karunungan.

    Kasama na rito ang ubod ng dami
    Nitong kuaderno ng mga istudyante,
    Kaya halos magkanda-kuba parati
    Ang bata – sa kanyang pagpasok sa klase.

    Kasi nga, bukod sa sobrang daming aklat
    Na di naman nila nagagamit lahat,
    Liban sa ‘notebook’ pa nitong sangkatutak
    Natural lamang na ang bag ay bibigat

    At halos hindi na mabitbit ng bata
    Sa kanyang pagpasok, kung siya ay wala
    Ni isang alalay o katulong kaya
    Para bitbitin yan upang di makuba.

    Kaya nang dahil siguro sa puntong yan
    Ay nagpanukala itong si Congressman
    Carmelo Lazatin ng 1st District po riyan,
    Na ang ganito ay dapat ipagbawal?

    Ng DepEd sa tama’t magandang paraan
    Upang ang ganito ay huwag ng tulutan,
    Partikular sa mababang paaralan,
    Mapa-‘public school’ at/o pribado man.

    Pero ang higit na kailangan marahil
    Ay itong sana ay lubos ipatigil,
    Ang papalit-palit n’yan ng gagamiting
    Libro, at iba pang dapat bigyang pansin.

    Na kagaya noon, kung saan ang libro
    Ni Kuya nang siya itong nasa Grade II
    Ay magagamit din ng kasunod nito
    Para makatipid pati ang gobyerno.

    Sa pagbili nito ng kung anong aklat,
    Na magkaminsan ay mali o di tumpak
    Ang ilang bagay na doon nakasulat
    Kaya ano ang matutuhan at sukat

    Ng bata kundi ang maling impormasyon
    Na mababasa sa aklat na ganoon?
    Kaya marapat lang na muling isulong
    Ng pamahalaan ang estilo noon!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here