Patas na bilang ng boto, dadaanin sa palabunutan

    542
    0
    SHARE
    MALOLOS—Tabla o patas ang resulta ng halalan para sa Sangguniang Kabataan (SK) sa isang coastal barangay ng lungsod na ito noong Oktubre 25.

    Kaya’t ito ay tatapusin sa isang palabunutan.

    Ayon kay Atty. Sabino Mejarito, ang provincial election supervisor ng Bulacan, ang palabunutan para sa kandidato bilang chairman ng SK sa barangay Caliligawan, isang costal barangay ng lungsod na ito ay isasagawa sa Sabado, Oktubre 30.

    “Iyan ang itinatakda ng General Instructions para sa Synchronized Barangay and SK Elections,” ani Mejarito sa isang panayam sa telepono noong Miyerkoles ng hapon, Oktubre 27.

    Sinabi pa niya na dadaanin din sa palabunutan ang pagpili sa mga kandidatong SK Kagawad sa nasabing barangay kung mayroon sa mga ito na patas ang bilang ng boto.

    Ayon kay Ega Cabigao, ang bagong proklamang kapitan ng barangay Caliligawan, umabot lamang sa 16 na kabataan ang nagparehistro sa kanilang barangay para sa SK elections.

    Lahat sa mga ito ay kandidato at nahati sa dalawang grupo. Dalawa ang kandidato bilang SK chairman at ang nalalabi ay pawang kandidato bilang kagawad ng dalawang kandidato bilang SK chairman.

    Ang dalawang kandidato bilang SK chairman ay sina Gretel Ann Antonio at Nina Marie Sevilla.

    Dahil sa pawang kandidato nila ang iba pang registradong botante ng SK, lumabas na tabla ang kanilang boto dahil sila rin ang ibinoto ng kanilang mga SK kagawad.

    Ayon sa ulat, tig-walong boto ang natanggap nina Antonio at Sevilla.

    Dahil dito, walang iprinoklamang panalo ang Board of Election Inspector sa nasabing barangay, nagsumite naman ng kani-kanilang protesta ang dalawang kampo.

    Ayon kay Mejarito, matatapos na sa Sabado ang usapin kung sino ang nanalo sa mga kandidato.

    Ito ay gagawin sa pamamagitan ng palabunutan.

    Isang pamamaraang maaring gawin ng Comelec ay maghanda ang dalawang pirasong papel kung saan ay susulatan ng mga numerong “1” at “2”.

    Ayon kay Mejarito, kung sino ang makabunot ng papel na may nakasulat na numero “1” ay idedeklarang panalo.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here