Patapusin na lang natin sila

    463
    0
    SHARE
    Sa sinundan nitong ating isyu ngayon
    Ating tinalakay ang hinggil kay PNoy,
    Na sa ganang ating sariling opinion
    Ang impeachment di na kailangang ituloy

    O pilitin nating kusa siyang magbitiw
    Sanhi nga riyan nitong mga samu’t-saring
    Kapalpakan sa pag-ganap ng tungkuling
    Malimit magdulot ng kapahamakan din

    Gaya nga riyan nitong ikinapahamak
    Ng ‘Gallant 44’ nating matatawag,
    Na nangamatay nga nang wala sa oras
    Dala ng kawalan ni P-Noy ng ingat

    Sa pamamalakad at kawalan yata
    Ng kaalaman at tamang pang-unawa
    Sa ‘chain of command’ na nilabag n’yang kusa
    Nang si Alan Purisima’y atasan nga

    Niyang pamunuan ang isang maselang
    Operasyon na di dapat pakialaman
    Nitong suspendidong PNP Chief na yan,
    Kaya wala siyang lubos karapatan

    Na atasan siya ni Pangulong P-Noy
    Sa isang napaka-delikadong misyon;
    At nang pumalpak ay umaatikabong
    Sisian, turuan ang biglang umusbong.

    At todo tanggi ang butihing Pangulo,
    Na inatasan niya ang naturang tao
    Na pamunuan yan, nang mabuliliyaso
    Lang ang operasyon sa Mamasapano?

    At isisi nga sa iba ang ‘lapses’ niya,
    Sukdang maglubid ng buhangin kumbaga?
    Yan ay senyales ng kawalang pag-asa
    Ng Inangbayan sa mga tulad nila.

    Para pahawakan ng mga maselang
    Bagay na posibleng baka higit pa riyan
    Kagrabe kumbaga pagdating ng araw,
    Kung mananatili yan sa katungkulan.

    Kaya marapat lang ang kusang pagbitiw
    Ni Chief Purisima sa kanyang tungkulin,
    Kaysa ang lahat na ng kanyang ‘Unexplained
    Wealth’ ay patuloy na ating busisihin.

    At ang hinggil dito sa balak pagsipa
    Kay PNoy, kung di siya bumaba ng kusa,
    Yan – gaya ng ating nakaraang paksa,
    Hintayin na lang ang araw na ‘tinakda

    Ng saligang batas at kung hanggang kailan
    Siya mananatili d’yan sa Malakanyang
    Total labing apat na buwan na lamang
    Ang natitira sa ‘terms of office’ po niyan

    Kaysa si Jejomar Binay ang pumalit,
    Na may samu’t-saring malulubhang tsismis;
    Pero ayaw niyang harapin sa Senate
    Ang ‘inquiry’ pagkat posibleng maipit

    At ngayon pa lamang sira na kumbaga
    Si Jejomar Binay sa mata ng masa,
    Kung kaya higit na makabubuti pa
    Na maghintay tayo sa pagbaba nila.

    At pagsapit ng “Election 2016,”
    Ay saka na lang natin pakapiliin
    Ang mauupong Pangulo’t Bise natin,
    Sa hanay ng kapwa nila magagaling.

    At gaya ng inaasahan kay PNoy,
    Yan gaya ni Gloria ay di rin malayong
    Ang kasasapitan ay pagkakakulong
    Ng dahil marahil sa ‘graft & corruption!’

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here