LUNGSOD NG MALOLOS – Nakakulong ngayon ang isang binata sa bayan ng San Miguel, Bulacan matapos siyang maituro ng kanyang biktimang pastol ng itik bago ito tuluyang namatay kamakalawa ng gabi.
Ang suspek ay nakilalang si Richard Felipe, 28 binata, residente ng Barangay Batasang Matanda sa nasabing bayan.
Siya ay naituro ng kanyang biktima na si Rolando Ortega, 42, anyos, tubong Albay, pastol ng itik ni Lauro Luris, at residente rin ng Barangay Batasang Matanda.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Reggie Valenzuela, binabantayan ng biktima ang mga itik ni Luris bandang 10:40 noong Lunes ng gabi ng dumating ang suspek na armado ng isang shotgun.
Walang sabi-sabing pinaputukan ng malapitan ng suspek ang biktima ng dalawang beses, pagkatapos ay tumakas.
Naisugod pa sa San Miguel District Hospital ang biktima, at sa kabila ng mga sugat na tinamo mula sa shotgun ay nasabi nito kung sino ang bumaril sa kanya.
Inilipat sa Bulacan Medical Center si Ortega, ngunit pagdating doon ay idineklara itong dead on arrival.
Ayon pa sa imbestigasyon ni PO3 Valenzuela, may matandang alitan ang suspek at ang amo ni Ortega na si Luris.
Ito ay nag-ugat diumano sa supply ng kuryente sa itikan ni Luris na matatagpuan sa nasabing barangay.


