Home Headlines Pari ginawang ballroom ang altar

Pari ginawang ballroom ang altar

705
0
SHARE

PLARIDEL, Bulacan — Ini-imbestigahan na ng Diocese of Malolos ang reklamo laban kay Rev. Fr. Wilfredo Lucas ng Parokya ng San Miguel Arkanghel sa Barangay Dampol dito, matapos ireklamo ng ilang mga parokyano nang gawing ballroom ang altar ng simbahan para sa kanyang birthday celebration nitong Enero 12.

Ayon kay Fr. Nick Lalug, chairman ng social communications commission ng Diocese of Malolos, ini-imbestigahan na si Fr. Lucas dahil sa paglabag nito sa Canon Law dahil batay sa batas ng simbahan ay sa pagsamba lamang maaring gamitin ang altar ng simbahan.

Agad naman daw na inamin ni Fr. Lucas ang kanyang nagawang pagkakamali at nakipag-usap na ito kina Fr. Lalug.

Nais lamang daw ni Fr. Lucas na mapagbuklod ang kanyang parokya kaya doon ginawa ang kasiyahan at aminadong naisantabi ang isinasaad ng batas ng simbahan.

Pangamba daw kasi noon ni Fr. Lucas na baka umulan kayat doon na ginawa ang kasiyahan. Inalis naman daw nito ang Santisimo Sakramento sa altar habang ginagawa ang kasiyahan bagamat aminado ito na ang simbahan ay walang ibang maaring pagganapan kundi ang pagsamba lamang.

Handa naman daw si Fr. Lucas na harapin ang kaparusahan sa kanyang ginawang paglabag kung ano man ang kakahinatnan ng imbestigasyon.

Ayon kay Fr. Lalug, ang pinakamababang parusa sa violation ni Fr. Lucas ay ma-reprimand o maari ding mapatawan ng parusang suspensyon depende sa kakalabasan ng imbestigasyon.

Humihingi ng paumanhin sa publiko ang Diocese of Malolos sa insidente at umasang gagawin nila ang tamang hakbang sa ginawa ni Fr. Lucas.

Hanggang sa isang linggo ay inaasahan na lalabas ang magiging desisyon ng Obispo sa insidente.

Matatandaan na nakita sa video si Fr. Lucas at isang babae na sumasayaw at ginawang ballroom ang harapan ng altar noong ika-12 ng Enero, 2018 na selebrasyon para sa kanyang kaarawan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here