TAMA ba na itong gaya halimbawa
ni senador Paquiao basta n’yan magawa
ang umalis patungo sa ibang bansa
nang walang opisyal na misyon ika nga?
Kundi bagkus ito’y personal na lakad
at pagkakitaan, kaya hindi dapat
tumanggap ng sahod habang nasa labas
ng bansa, at ang di pagpasok ibawas.
Dahilan na rin sa manalo’t matalo
yata si Pacman ay sagot ng kung sino
na promoter ang alin mang laban nito,
aywan lang kung yan ay di kwentong kutsero.
Pero habang siya’y nasa Amerika,
nag-eersisyo para sa laban niya,
buhay-hari yan at suportado siya
ng mga sugarol na kasa-kasama.
At di lamang milyons tiyak ang kikitain
(ni Manny) maliban sa puede niyang kunin
sa kaban ng bayan pagbalik sa atin,
nakadalo’t hindi yan sa ‘Senate hearing’.
Mabibilang na sa daliri sa ngayon
ang sa palingkurang bayan makatugon
sa maka-Diyos at saka maka-taong
serbisyo ang pagka-isahang isulong.
Si Pacquiao, wala yan, pagpapa-pogi lang
ang prayoridad niya sa posisyong tangan,
sanhi na rin nitong pangsarili nga niyang
ambisyon ang tanging adhika sa buhay.
Batid na pala niya ang kaliwa’t kanan
na di matingkalang mga kabulukan
sa administrasyon, eh bakit ngayon lang
ito pumyok at kung kailan maghalalan?
Idawit na dapat sa kanyang pag-kokak
kung sinu-sino r’yan ang aniya’y korap,
na mga Solons na sobra kung tumapyas
sa taunang badyet kanya nang ilabas.
(Huwag sa tulad nitong parang Balagtasan
ng mga Makata itong tunggalian
n’yan ng mga puntos habang naglalaban
sa ibabaw ng enteblado o tanghalan).
Insulto ang basta siya tiniwalag
sa partido nang ni munti mang pahayag
ng isa, dalawa o tatlong kabakas,
na walang pasabi kung ano ang dapat.
Kaya lang siya itong sa partido nila
ang nagtalo-sira…at pagkatapos siya
itong nagpalipad-hangin laban kina
Duterte at iba pang mga kasama.
Pangulo pa mandin siya ng partido
nila na PDP-Laban, sila mismo
ang nagbabangayan – ya’y di simpleng kaso
ng hiwalayan na tumindi ng husto.
Isinuka man ng kasangga, di dapat
ipahalata na siya’y naduduwag
at magsasalita ng animo’y tarat
nang di masabi na ‘Paquiao is a punch-drunk!!’