PAGLABAS ng isyung ito ay tapos na
ang halalan para sa Kapitan, saka
magiging Kagawad sa barangay nila,
na manunungkulan (ng limang taon ba?)
Kung saan ayon sa panukalang batas
ni Senador Marcos, ang ‘3 years’ di sapat
para sa elected barangay officials
upang matutukan n’yan ang lahat-lahat?
Ng kanilang mga marapat harapin
sa loob ng tatlong taon sa tungkulin,
kaya’t naisip niyang maisulong ang ‘bill’
na gawing lima yan para hindi bitin
Sa kung anong sukat magampanan nila
para sa barangay na kung saan sila
dapat magsilbi ng buong husay sana,
pero wala inabangan kundi IRA?
Na siyang karaniwan nangyayari’t sukat
sa maraming barangay sa Pilipinas;
Kung saan liban sa walang inatupag
itong iba kundi sa sugal magbabad
At hindi rin naman lubhang maasahan
sa opisyal nilang gampaning pambayan,
pagkat ang hangarin ng iba’y sueldo lang
at hindi talaga para magsilbi yan.
Mabuti-buti kung alam n’yan talaga
ang tungkuling dapat ibigay sa Masa,
Gawin mang doble ang ‘terms of office’ nila
ay maikli pa rin kung matapat sila.
Pero kagaya nga ng ating nasabi,
kung ya’y wala namang gagawing mabuti,
Ang tatlong taon na ipananatili
sa panunungkulan, mahaba na pati!
Di ko ninanais sabihing ‘premature
campaign sortie’ itong kay Senador Bongbong,
O sadyang nais niyang ganap maisulong
Para maging ‘5 years’ ang term nila ngayon?
Nang sa gayon makatipid ang ating gobyerno
sa maya’t-maya ay may halalan tayo;
Pero di ba’t higit mainam siguro
ang sa Capitol at mga Munisipyo
Itong marapat na gawing limang taon,
pagkat ang ‘3 years’ lang para sa posisyon
ng mahuhusay na Governor at Mayor
ay maikli para maibigay itong
Maka-Dios at makataong paglilingkod
para sa kabalen nitong may marubdob
na hangaring sa kapwa tumulong lubos,
ay di sapat kahit doblihin pa halos;
Pero sa tulad ng ibang mambabatas
Na ngayon ay pawa yatang nahaharap
Sa kasong ‘anti-graft’ na napakabigat,
di dapat maluklok kahit ilang oras;
Dahil kung ang gaya n’yan ang sa Palasyo
mauupo sa ‘seat of offi ce’ siguro,
Baka makalipas lang ang isang linggo
ay ‘bankrupt’ na pati kaban ng gobyerno?
Kasi kung pati na mga bagong halal
Ay di maging tapat sa tungkuling tangan,
Pasasaan ba at kundi sa ‘graft’ lamang
Masasanay pati ibang ‘public servant’?
(Lalo’t sa kagaya r’yan ng nagsusugal
Na Mayor pa mandin yatang bagong halal,
Na di raw makapa sa kanyang tanggapan,
Pero ‘visible’ yan sa mga Sabungan?!)