Kauna-unahang bill na inihain
ng ‘Idol’ ng masa na isa nang Muslim
na dili’t iba ay si senador Robin
(Padilla) marami ang naringgan natin
Nang pag-ayaw hinggil sa isinusulong
na maisabatas ang magkaparehong
kasarian tulad ng Eba at Tomboy
na ‘the same’ ang tsapa – marami ang tutol.
Gayon din naman ang parehong batuta
ang tangan ni Adan at Og, ano kaya
itong sa tantya n’yo kauwian, ika
kundi ng peke rin namang pulot-gata?
Ang parehong lapad itong dala-dala
ni Superwoman at saka r’yan ni Darna,
maghapon, magdamag mang magsiping sila
sa kamang tulugan, walang ibubunga.
Sa dinami-dami ng ‘bill’ na maaring
ipanukala riyan ng ating butihing
Senador, bakit ang ganyang walang ‘bearing’
na batas ang atat na gustong unahin?
Ang babae para sa mga lalaki
mula’t sapol kaya ang tao dumami,
pero para ikasal, parehong babae
o ang ‘the same sex’ ay hindi importante.
Tanggap itong alin mang magkapareha
na parehong beki ang sila’y magsama
ng animo’y husband and wife, e bakit pa
kailangang ikasal bilang mag-asawa?
Gayon din naman d’yan ang parehong Adan
nangyayari na rin sa kasalukuyan,
bakit di na lamang natin na hayaang
magsama gaya ng Tomboy at Eba riyan?
Ang kasal kadena riyan ng pagsasama
sa buhay ng alin pa mang mag-asawa
at di dekorasyon lang sa buhay nila
ang may basbas ng Diyos, saka ng garantya.
At di basta na lang ano pa mang oras
puedeng talikuran ng isang Barabas
na lalaki itong responsibilidad
niya sa asawa’t kanyang mga anak.
Diyan kumbaga itong pagpapakasal
ni Eba kay Adan ang pang-hahawakan
ng una, sa huli nang di matakasan
ang bisa ng legal na pananagutan.
Eh, itong nais d’yan na ipanukala
nitong ‘neophyte’ na senador ng bansa,
‘applicable’ ba ang basta na lang yata
niya naisip na isulong karaka?
Ang dami ng bill na noon pa marapat
maisulong gaya ng unang binalak
ni Digong, kung saan kasama sa pangkat
si Misuari at si Robin sa pagtulak
Ng ‘Federalism’ na uring gobyerno,
kung saan isa ang abang-lingkod ninyo
sa kasa-kasama riyan ni Abogado
Gadon sa Luneta sa pagdi-diskurso.
Senator, ito po ang kinakailangan
na unahin ninyo kaysa hindi naman
lubhang importante, at saka na lamang
ang panukala n’yong makapaghihintay!