1.
May panibagong SUSPENSION na iginawad na naman
sa mayor ng San Simon na si ABUNDIO S. PUNSALAN
ang pagkakasuspinde ay depende sa itatagal
ng pagdinig ngunit hindi LALAMPAS sa anim na buwan
ang nangyari sa alkalde ay mayroong KAUGNAYAN
sa kaso na ISINAMPA sa office of the OMBUDSMAN
2.
Matatandaang ang mayor ay nahuli’t IKINULONG
sa ikinasa ng NBI na ENTRAPMENT OPERATION
ang naturang alkalde ay kinasuhan ng EXTORTION
pangingikil diumano ng halagang THIRTY MILLION
sa kanyang pagkakapiit, lumaya rin, di NAGLAON
kinatigan ng korte ang kasong ILLEGAL DETENTION
3.
Ang alkalde ng San Simon ang kasong kinahaharap
ay ang SERIOUS DISHONESTY at ang kasong GRAVE MISCONDUCT
MAPAMINSALANG INTERES sa serbisyong nararapat
na TALIWAS sa kalingang inaasahan ng lahat
habang siya ay SUSPENDO acting mayor na gaganap
ay ang bise alkalde niya na si JOSEPHINE ANNE CANLAS
4.
Itong bayan ng San Simon ay balot sa KONTROBERSIYA
hindi lang sa aspeto at larangan ng PULITIKA
kasama na rito pati lubak-lubak na KALSADA
at ang dalawang TULAY na hanggang ngayo’y nakatengga
bukod pa ang sobrang TRAFFIC sa hapon at sa umaga
na malaking SULIRANIN nitong mga motorista
5.
At sa pagkakasuspinde ni mayor JP PUNSALAN
magkaiba ang nagiging reaksiyon ng MAMAMAYAN
mayrong mga nagsasabi na puro raw KAHIHIYAN
ang IDINULOT ng mayor dito sa naturang bayan
hindi raw katulad dati kinilala’t
hinangaan
ang San Simon, nang si MADAM WONG pa ang siyang punongbayan
6.
Ngunit habang walang HATOL sa kaso na isinampa
laban kay mayor Punsalan ito ay INOSENTE pa
hayaan nating ang korte ang sa kanya ay HUMUSGA
kung ang alkalde ay GUILTY at totoong NAGKASALA
tayong mga mamamayan ay wag ng MAKISAWSAW pa
at iwasan muna dapat sobrang PAMUMULITIKA
7.
Sana ngayong si Anne Canlas ang uupo bilang MAYOR
maging masigla na muli itong bayan ng SAN SIMON
sana sa PAGKAKALUGMOK ito’y muling makabangon
sa kinasadlang lusak na kung saan NAKABAON
sana ang mga pangako’y hindi maging NINGAS-KUGON
sa simula’y MAALAB at di nagtatagal ang apoy