Home Headlines Pangakong P20 kada kilo ng bigas, may pag-asa pa bang matupad?

Pangakong P20 kada kilo ng bigas, may pag-asa pa bang matupad?

291
0
SHARE

1.
Kung magiging beinte pesos ang kada kilo ng bigas
sa’ting mga kababayan ay magdudulot ng galak
hindi lamang sa hanay ng mamamayang mahihirap
kundi pati mayayamang ang kabuhayan ay sapat
subalit kung iisipin ay imposibleng matupad
katulad sa panaginip ni ka Edong mapangarap
2.
Kung ang bigas ay gagawing beinte pesos kada kilo
Ang bentahan ng palay ay tiyak bababa ang presyo
dahil ang tanging paraan na maisagawa ito
dapat ang kilo ng palay ay halagang limang piso
sino namang magsasaka ang papayag sa ganito
kung meron man, siguradong may sayad ang mga ulo
3.
At ang mga magsasakang may matinong pag-iisip
malamang ay magtatanim na lang ng pakwan at mais
o kaya’y gulay tulad ng talong, sitaw at kamatis
at ng iba pang pananim sa kanilang mga bukid
kapag ito ang nangyari ay lalo lamang lilit
ang produksiyon ng palay na magdudulot ng ligalig
4.
Ang balita na ang bigas ay gagawing beinte pesos
ay dati ng pinangako ni pangulong Bongbong Marcos
kapag ito ay natupad ay tiyak na malulubos
ligaya ng mamamayan na sa buhay ay hikakos
kumakalam na sikmurang sa gutom ay nagpupuyos
giginhawa rin sa wakas at sa tuwina’y mabubusog
5.
Matutupad pa rin naman ang pangako ng pangulo
na magiging beinte pesos rin ang bigas kada kilo
kung ang binhi,fertilizer at pamatay ng insekto
na gamit sa pagsasaka’y sasagutin ng gobyerno
ang gagawin na lamang ng magsasaka’y magtrabaho
nang sa gayon ang palay ay mapababa pa ang presyo
6.
Kapag ito ang nangyari ay hindi na magbebenta
ng lupa ang anak-pawis na kanilang sinasaka
lahat sila’y mabibigyan ng panibagong pag-asa
na mapaunlad ang buhay na nais na matamasa
ang pangako ng pangulo harinawa’y tuparin niya
sapagkat ang sambayanang Pilipino’y umaasa
7.
Ngunit kapag di natupad itong kanyang pinangakô
marami ang magdaramdam sa labis na pagkabigô
lalo na ang nagtiwala na sa kanya ay nag-upô
bilang pinakamataas na sa bansa’y namumunô
Iisipin marahil ng ibang sila ay nautô
sa pangakong bandang huli’y tila isang panggogoyô

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here