ANG ADVOCATES for Genuine and Outstanding Services ay magalang pong lumalapit sa inyong tanggapan upang maiparating at maisatinig ang lumalalang suliranin ng mga mamamayang Angeleno hinggil sa malaking isyu sa supply ng tubig sa ating lungsod.
Naniniwala po kami hindi dapat maging pangunahin ang negosyo sa tubig; “serbisyo publiko at isang pundamental na karapatan na dapat mapakinabangan ng lahat.”
Gayunpaman, sa ilalim ng kasalukuyang joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Angeles City Water District (ACWD) at PrimeWater Infrastructure Corp., ang karapatang ito ay tila naisasantabi kapalit ng interes ng isang pribadong korporasyon.
Mga Pangunahing Suliranin
Batay sa aming obserbasyon at sa mga reklamo ng komunidad, narito ang mga kritikal na isyung kinakaharap ng mga konsyumer:
— Malubhang Kapalpakan sa Serbisyo: Sa kabila ng pangako ng modernisasyon, mas lumalala ang karanasan ng publiko sa madalas na water interruptions, mahinang pressure, at maruming tubig na lumalabas sa mga gripo.
— Mataas na Singil vs. Palpak na Serbisyo: Hindi makatwiran ang patuloy na pagtaas ng singil sa tubig habang bumababa ang kalidad ng serbisyo. Pinapasan ng mga Angeleno ang gastos para sa serbisyong hindi nila napapakinabangan nang maayos.
— Kakulangan sa Transparency: Ang JVA ay ipinatupad nang walang malawakang konsultasyon sa publiko. Ang mga mamamayan, na siyang tunay na stakeholders, ay nawalan ng boses sa pamamahala ng sarili nilang likas-yaman.
— Pagkawala ng Lokal na Kontrol: Ang kontrol sa serbisyo ay nalipat mula sa gobyerno patungo sa isang kumpanyang nakatuon sa kita (profit-oriented), na nagreresulta sa kakulangan ng pananagutan sa masa.
Mga Naunang Halimbawa ng Pagkilos
Hindi nag-iisa ang mga Angeleno at ang Lungsod sa laban na ito. Marami nang mga lokal na gobyerno at water districts ang nagpasya nang tumutol at kumilos laban sa PrimeWater dahil sa parehong mga reklamo ng kapabayaan. Ayon sa aming pananaliksik ito ang aming napag-alaman:
1. Sorsogon City: Isa sa mga pinaka-unang nagpakita ng political will kung saan ang kanilang water district ay naghain ng pormal na abiso para sa terminasyon ng JVA dahil sa hindi pagtupad sa mga obligasyon sa serbisyo.
2. San Jose del Monte, Bulacan: Upang malutas ang krisis sa tubig na nakakaapekto sa mahigit 250,000 residente, kinuha ng pamahalaang lungsod nitong Martes, Mayo 5, ang operasyon ng sistema ng suplay ng tubig sa lungsod na dati ay nasa ilalim ng JVA sa pagitan ng PrimeWater at San Jose del Monte Water District.
3.Bacolod City: Ang sangguniang panlungsod ay nagpasa ng mga resolusyon na humihiling ng imbestigasyon at posibleng pagbalewala sa kasunduan dahil sa kabiguang maghatid ng malinis at sapat na supply ng tubig.
4. Urdaneta City, Pangasinan: Naging masigasig ang lokal na pamahalaan dito para sa pagbawi sa kontrol ng operasyon ng supply ng tubig mula sa pribadong partner dahil sa depektibong serbisyo.
5. City of San Fernando, Pampanga: Sinuspinde ni Mayor Vilma Caluag ang permit ng PrimeWater noong Nobyembre 2025. Pinagtibay ito ng korte, at pansamantalang inako ng lungsod ang operasyon upang matiyak ang maayos at tuloy-tuloy na suplay ng tubig para sa mga mamamayan.
Mga Kahilingan Para Sa Mga Angeleno
Dahil sa mga nabanggit, hinihiling namin sa Sangguniang Panlungsod ang mga sumusunod na hakbang:
1. Performance Audit: Magsagawa ng pormal at malalim na pagsusuri sa operasyon ng PrimeWater upang malaman kung natutupad ba nito ang mga obligasyon sa ilalim ng JVA.
2. Review o Terminasyon ng JVA: Review ang kasunduan at, kung mapapatunayang hindi nito natutupad ang kanyang responsibilidad na nakasaad sa JVA, umpisahan na ang proseso ng pagtatapos nito gaya ng ginawa sa ibang probinsya at Lungsod.
3. Pagbabalik ng Kontrol sa ACWD: Ibalik ang pamamahala sa lokal na water district upang matiyak na ang serbisyo ay para sa kapakanan ng mga Angeleno, hindi para sa kapakinabangan ng iilan.
4. Public Consultation: Ipagpatuloy ang mga pagdinig ng Sanggunian Panlungsod kung saan ang boses ng bawat barangay at ibat ibang sektor maging mga kinatawan ng negosyo para direktang marinig ang kanilang alalahanin at mga mungkahi.
Ang tubig ay buhay, at ang pagkakaroon ng maayos na supply nito ay karapatan ng bawat mamamayan.
Bilang aming mga katuwang sa pagsusulong sa interes at pagtatanggol sa kapakanan ng mga Angeleno, umaasa kami sa inyong maagap, makatarungan, at matatag na pag-aksyon upang matiyak na mabibigyan ng maayos at maaasahang serbisyo sa tubig ang bawat pamilyang Angeleño. AGOS, Mayo 7, 2026



