BAGAC, Bataan — Isang barangay kagawad at isang dating overseas Filipino worker ang patay samantalang malubha naman ang isang bata nang barilin sa public market dito Sabado ng umaga ng suspect na agad namang nahuli.
Kinilala ni Police Captain Albert Manabat, Bagac police chief, ang mga biktima na sina barangay kagawad Edwardson Galazi ng Pag-asa, at Herbert Lozada, 33, ng Binukawan, mga barangay sa Bagac.
Nasa malubhang kalagayan ang anak ni Lozada na si Huean Aevric, 11.
Ang agad nahuli ng mga pulis sa mismong pangunguna ni Manabat ay si John Michael delos Santos, 30, ng Barangay Pag-asa.
Nahuli raw ito sa Barangay Banawang, Bagac alas-10:25 ng umaga o isang oras matapos mamaril.
Ayon kay Manabat, ang talagang target ng suspect ay ang kagawad ngunit nadamay ang mag-amang Lozada.
Agad namatay sa tama ng bala sa ulo at ibang bahagi ng katawan si Galazi at tumumba sa pasilyo ng palengke.
Namatay si Lozada habang ginagamot sa isang ospital. Ang kagawad at mag-ama ay namamalengke.
“Kalalaya lang ng suspect, nakulong sa illegal drugs. Suspect bumabalik sa dati,” sabi ng hepe ng pulisya.
May alitan umano ang suspect at ang kagawad ngunit naayos naman daw ito sa barangay.
“Matindi siguro ang galit ng suspect kaya inabangan ang biktima sa palengke at doon binaril. May nadamay na mag-ama. Kaso ng suspect – murder,” sabi ni Manabat.
Naitapon, aniya, ng suspect ang baril na ginamit. Ayon kay Enrique Galazi, Jr., mabait ang kanyang anak at maraming kaibigan.
“Lubos akong nagpapasalamat at agad-agad nahuli ng mga otoridad ang pumatay sa anak ko.”
Sinabi ni Pag-asa barangay chairman John Harry Carreon na may naging kaalit nga ang kagawad.