Home Headlines Pamamahagi ng P2.9-B ayuda para sa ECQ nagsimula na

Pamamahagi ng P2.9-B ayuda para sa ECQ nagsimula na

854
0
SHARE

Ang pamimigay ng ayuda sa 464 na indibidwal sa Barangay Sta. PeregrinaPulilan. Kuha ni Rommel Ramos



PULILAN, Bulacan — Nagsimula
nang ipamahagi ang tulong pinansyal ng pamahalang nasyunal para sa mga mahihirap na apektado ng ipinatutupad na enhanced community quarantine dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Covid-19.

Ayon sa ulat ng Philippine Information Agency, ipinadala ng Department of Budget and Management ang may P2.9-bilyong halaga ng financial assistance sa 21 munisipyo at tatlong lungsod ng Bulacan. Ito ay upang maibigay para sa may tatlong milyong residente ng lalawigan na naapektuhan ng umiiral na ECQ.

Base sa Local Budget Circular No. 136 ng DBM, ang mga bayan o lungsod at ang kanilang matatanggap ay: City of San Jose Del Monte, P596.8M; Santa MariaP236.9-M; City of Malolos, P212.7M; Marilao, P198.1M; City of Meycauayan, P173.2M; San Miguel, P133.6-M; Baliwag, P123.5M; BocaueP108.3M; at Hagonoy, P106.2M.

May alokasyon naman na P97.7M para sa Pandi, P93.3M sa San Ildefonso, P93.1M sa Norzagaray, P91.9M sa Calumpit, P90M sa Pulilan, P89.5M sa Plaridel, P85.7M sa Guiguinto, P83.2M sa San Rafael, P67.3M sa Balagtas, P65.6M sa Bulakan, P56.8-M sa Bustos, P50M sa Angat, P48M sa Obando, P44M sa Paombong, at P20M sa Donya Remedios Trinidad.

Nagmula ang mga pondong ito sa Republic Act 11494 o Bayanihan to Recover as One Act na pinalawig hanggang sa Hunyo 30, 2021 sa bisa ng Republic Act 11519.

Ipinapaubaya na ng DBM sa mga pamahalaang lokal ang pagdedesisyon kung in-cash o in-kind ang magiging paraan ng pagbibigay. 

Basta’t kinakailangan na ang bawat indibidwal ay makatanggap ng halagang P1,000. Para naman sa may apat o higit pang miyembro ang pamilya, makakatanggap sila ng P4,000.

Kapag may natira o hindi nagamit na bahagi ng pondo, dapat itong isauli ng isang partikular na pamahalaang lokal sa Bureau of Treasury bago ang Disyembre 31, 2021.

Samantala, nauna nang namahagi ng pondo na pinangunahan ng DSWD at mga lokal na pamahalaan sa bayan ng Obando at Puliulan, at sa City of San Jose Del Monte.

Ayon naman kay Reiner Grospe, DSWD-Region 3 PIO, dapat sa loob ng 15-araw ay maipamahagi na ang lahat ng ayuda. Bagamat aminado silang hindi sapat ang ayuda ay makakatulong naman daw ito bilang pantawid ng mga benepisyaryo.

Malaking pasasalamat naman ng benepisyaryo na si Mel Nicdao, apat sila sa pamilya at P4,000 ang kaniyang natanggap.

Aniya, malaking tulong ito sa kanilang panggastos habang naka-ECQ.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here