Home Headlines Palaspas at pagkamartir

Palaspas at pagkamartir

623
0
SHARE

EWAN KUNG napansin ninyo ang isa sa mga most common symbols of martyrdom ng simbahang Katolika: ang palaspas. Pansinin ninyo ang mga imahen o larawan ng ating mga santong namatay sa pagka-martir – karamihan sa kanila may hawak na palaspas: Santa Maria Goretti, San Pedro Calungsod, San Oscar Romero, San Maximilian Kolbe, mga martir ng Vietnam, Korea, at Africa. 

Kaya kayong may hawak na palaspas ngayong Linggo ng Palaspas, huwag ninyong kalilimutan, delikadong simbolo ang hawak ninyong iyan. May statement o mensahe na ipinahahayag ang humahawak niyan – na handa kang manindigan para sa iyong pananampalataya, kahit ipagdusa mo pa ito o ikamatay. 

Simbolo pala ng pagka-martir ang palaspas. Pero linawin muna natin na salitang MARTYR ay galing sa salitang Griyego—MATURIA, na ang ibig sabihin ay witnessing, pagpapatotoo, pagiging saksi o testigo sa totoo. 

Noong kasagsagan ng giyera sa droga, ang daming mga saksi sa pagpatay – mga kapitbahay o kaanak. Alam nila na hindi totoo ang madalas i-report sa balita na ang mga namatay na “drug suspects” ay nanlaban. Karamihan sa kanila ay pinatay na walang kalaban-laban. May mga saksi, pero ayaw sumaksi, takot sumaksi, takot na baka sila ang mapag-initan. 

Nakapagtataka, ang mas malakas ang loob na sumaksi noon ay mga bata at kabataan. Siguro dahil wala pang gaanong takot sa kamatayan ang mga bata. Minsan, magulang pa nila ang pipigil sa pagsaksi nila. Ano kaya ang isasagot ng isang magulang kapag sinabi ng anak, “Inay, itay, kayo po ang nagturo sa akin na huwag magsinungaling, na kung totoo, panindigan. Bakit ngayon ayaw ninyong panindigan ko ang totoo, e iyun naman po talaga ang nakita ko.”

Dalawang punto ating pagnilayan sa simula ng semana santa sa raw na ito ng Linggo ng Palaspas. Unang punto: ang pagiging MARTIR ay pagsaksi o pagiging handang manindigan sa totoo. 

Ang ikawalong utos ng Diyos ay “huwag sasaksi sa hindi totoo.” Negative ang pangungusap – sa madaling salita, huwag magsisinungaling. Pero ang mas matinding challenge ni Jesus ay gawin itong positive: “Panindigan ang totoo, kahit ikapahamak mo pa ito.” 

Minsan may isang stand-up comedian na nagbiro tungkol sa mga lawyers. Tinanong daw niya kung anong career ang gustong pasukin ng anak niya: sabi daw ng anak, “I want to be a LAWYER, dad.” Sagot daw ng ama, “Since when was being a LIAR considered a career, my son?” Tawanan ang mga nakikinig. Pero nasaktan ako doon dahil pamilya kami ng mga lawyers – bukod sa tatay at dalawang kapatid, lima sa mga pamangkin ko naging lawyers. Hindi ganyan ang ipinamulat nila sa amin tungkol sa pag-aabugado. Kaya nga may husgado at may mga abugado, para sa pagreresolba ng mga kaso ang magtagumpay ay iyong totoo, tama, at makatarungan. Paanong iuugnay ang pag-aabugado sa kasinungalingan?

Kaya siguro isa sa mga turing sa Espiritu Santo sa Gospel of John ay ADVOCATE—abogado, ibig sabihin, tagapagtanggol ng katotohanan. 

Sa drama ng pasyon ang daming kasinungalingan: mga pinuno at nakatatanda pa mismo ang gumamit ng mga bulaang saksi (false witnesses) para akusahan si Hesus ng paratang na hindi totoo. Si Poncio Pilato, alam niyang walang sala si Hesus, pero naghugas kamay siya. Bakit? Hindi niya mapanindigan ang totoo. Si Hudas Iskariote, hinalikan pa niya si Hesus sa Gethsemane, pero ipinagkanulo na pala ang kaibigan. Si Pedro, tatlong beses na nagsinungaling – sinabing wala siyang kinalaman kay Hesus. Ang mga alagad na nagsabi kay Hesus na handa silang mamatay para sa kanya; biglang naglaho silang lahat matapos na arestuhin siya.

Bakit ba hindi nila mapanindigan ang totoo? Ang pinakamadalas na maging hadlang sa pagsaksi sa totoo ay TAKOT – katulad ni Pedro o ng ibang mga alagad na naglaho. Minsan, puwedeng maging dahilan ang pagkasilaw sa pera, katulad ni Hudas Iskariote o iyung umangal tungkol sa winaldas daw ng babae na mamahaling pabango. Pwede ring ang dahilan ay inggit, katulad ng mga punong saserdote at mga mga pinuno ng bayan.

Sa panahon ng digital technology, sa social media, kahit na sino ngayon ay pwedeng maging tagapamahayag. Dati mga professional journalists lang – at least may standard for good journalism. Ngayon pwedeng ikalat ang kahit na ano; pwedeng umimbento ng balita kahit di totoo. Ito ang malaking problema hinaharap natin tungkol sa social media: ang mass disinformation. Naging negosyo ang pagpapakalat ng kasinungalingan o ng gawa-gawang balita. 

Hindi gawaing Kristiyano ang maging alagad ng kasinungalingan. Ang maging Kristiyano ay maging alagad ng katotohanan. Maging parang gamu-gamo na naaakit sa liwanag, hindi takot lumapit sa apoy o ningas ng kandila kahit pwede niya itong ikamatay.

Pangalawang punto: ang pagiging MARTIR ay pakikibahagi sa misyon ni Kristo – pagiging handang maging PANTUBOS sa kasalanan ng mundo.

Ang Linggo ng Palaspas ay simula ng tinatawag nating paggunita sa MISTERYO PASKWAL, o pagdurusa ng Anak ng Diyos bilang pag-ako sa kasalanan ng mundo. Nagsisimula ang kuwento ng Pasyon sa pagpasok ni Hesus sa Jerusalem at pagwawagayway ng palaspas bilang pagsalubong sa kanya ng mga tao sa pag-aakalang siya ang “magliligtas sa Israel” sa kamay ng mga dayuhang mananakop – ang Roman empire.

Akala nila pumasok si Hesus sa Jerusalem para simulan ang isang rebolusyon, para maningil ng dugo, o para ipaghiganti ang kaapihan ng kanilang bayan. Nagkamali sila ng akala. Sa Gethsemane may dala pa ngang mga sandata ang mga alagad. Di ba’t ayon sa kuwento ay humugot na sila ng espada, at may natigpas na ngang tainga ng isang alipin? Ngunit sinaway sila ni Hesus. Sa mga naniningil ng dugo, dugo rin ang nagiging kabayaran; ang gumagamit ng sandata, sandata rin ang ikinamamatay. Ito ang babala niya.

Kay Hesus bilang martir, walang ibang dugo na dapat handang ibuwis ang sinuman kundi sariling dugo. Dugo ng “kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.” Ang pagiging martir ay pagiging handang mag-alay ng buhay bilang pantubos. Handang mamatay, hindi pumatay. 

Kaya nasabi niya sa huling hapunan, “Ito ang dugo ng bago at walang hanggang tipan, dugong ibubuhos sa ikapagpapatawad ng kasalanan.” Ito rin ang ibig niyang gawin natin bilang paggunita sa kanya: ang maging handang ibahagi ang buhay bilang PANTUBOS.

Itong dalawa, mga kapatid, ang kahulugan ng hawak ninyong simbolo ng palaspas: pagiging handang MANINDIGAN SA KATOTOHANAN, at MAGING PANTUBOS SA KASALANAN NG MUNDO. Ito ang simula ng ating pakikilakbay kay Kristo sa landas – na hindi sa kabiguan matatapos kundi sa tagumpay. Hindi sa kamatayan matatapos kundi sa pagkabuhay.

(Homiliya Para sa Linggo ng Palaspas, 2 Abril 2023, Mateo 26:14-27:66)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here