TEMA: STA. CLARA, modelo ng pakikilakbay tungo sa kaganapan ng buhay Obvious sa akin ang pinagkuhanan ng inspirasyon ng temang ito: si Pope Francis—and Santo Papang nanawagan para sa isang simbahang “mas higit na SINODAL.” Ibig sabihin, simbahang nakikilakbay sa iisang landas, at ang landas na iyon ay walang iba kundi si Kristo mismo. Walang mataas at mababa, walang unahan at wala ding iwanan. Siya na nagsabing “Naparito ako upang bigyan kayo ng buhay, ganap na buhay.” (Jn 10:10)
Pero dahil ipinagdiriwang natin bilang parokya ang pyesta ni Sta. Clara, tinatanong natin kung paano natin siya matutularan bilang “modelo ng pakikilakbay tungo sa kaganapan ng buhay.” Hindi natin mapag-uusapan si Sta. Clara kung din natin ipapasok sa eksena si St. Francis of Assisi—ang pinagkuhanan niya ng inspirasyon sa pakikilakbay kay Kristo, sa pagsunod sa landas niya.
Ano ba ang landas na ito? Ito’y isang simpleng prinsipyo na sinunod ni St. Francis, at nakita niya bilang susi ng pagbabago sa simbahan noong kapanahunan niya. Ang narinig kasi niyang mensahe nang tawagin siya ni Hesus ay “Francis, rebuild my Church.” Narinig daw niya iyon sa San Damiano habang nakatitig sa larawan ni Kristo sa krus sa loob ng isang gumuhong simbahan. Akala niya simbahang bato ang pinatatayong muli ni Hesus sa kanya. Iyon pala, ang sambayanan ng mga alagad ang tinutukoy niya—na tulungan silang makabalik sa landas ni Kristo, makilakbay sa kanya, dahil ang simbahan noon ay para bang napalayo na, nalihis nang landas. Naging isang institusyon na walang ibang pinagkakaabalahan kundi ang mapanatili ang sariling otoridad at impluwensya sa daigdig at sa lipunan.
Palagay ko ang Gospel reading natin ngayon ang isa sa mga nagbigay liwanag at bagong direksyon sa buhay ni Francisco, at ng kaibigan niyang si Clara. Ang pinakabuod ng mabuting balita ng landas o prinsipyong itinuro ni Hesus sa kanyang mga alagad: dalawang punto: Una, “Ang nagtataas ng sarili ay ibababa.” Pangalawa, “Ang natututong magpakumbaba ay itataas.” Una, “Ang nagtataas ng sarili ay ibababa.”
Pagtataas ng sarili—ito ang diwa ng karamihan sa mga makamundong ambisyon—ang yumaman, ang sumikat (makilala), ang maging makapangyarihan. In short, ang tatlong K; kayamanan, kapangyarihan, at katanyagan. Ito ang madalas na gamitin ni Satanas na pambingwit sa tao simula’t sapul. Di ba ito ang linyang binigkas niya kina Adan at Eba sa Gen 3 nang turuan niya silang sumuway sa Diyos at kumain ng bungang kahoy na ipinagbawal ng Diyos sa kanila dahil ikamamatay daw nila ito?
Sabi ng ahas: “hindi kayo mamamatay; mabubuksan ang mga mata ninyo at magiging katulad kayo ng Diyos, malalaman na rin ninyo ang mabuti at masama.” Sa madaling salita, Kapangyarihan ang alok ng ahas. Pag natamo mo ito, hindi mo na kailangan ang Diyos dahil Diyos ka na. At nahulog nga ang tao sa tukso. Hanggang ngayon, marami pa rin ang nahuhulog sa tuksong ito na lumihis ng landas ng Diyos at sumunod sa landas ni Satanas: kayamanan, katanyagan, kapangyarihan para sa sarili.
Nagsimula ang kwento nina St. Francis at St. Clare sa isang krisis. Akala ng mga tao nasiraan na sila ng ulo. Si St. Francis talaga namang nagka-depression siya. Parang nawalan ng kabuluhan sa kanya ang lahat ng dating tinuturing na makahulugan ng kanyang pamilya, ng lipunan, pati na rin ng simbahan. Di niya alam, ang akala niyang breakdown ay magiging breakthrough pala. Bibigyan siya ng mahalagang papel ng Diyos sa pagkukumpuni sa simbahan.
Nagsimula ang lahat nang talikuran nina San Francisco at Sta. Clara ang tatlong K ng daigdig, upang hanapin ang tunay na K, na tatlo din: kabutihan, kagandahan, katotohanan—ang mga pundasyon ng tunay nating karangalan, bilang tinawag na maging mga anak ng Diyos kung matutuhan nating makilakbay kay Kristo sa kaganapan ng buhay. At may isa pang K na idinagdag si St. Francis: kalikasan o kapaligiran.
Dumako na tayo ngayon sa second part ng summary ng ebanghelyo: ang pangalawang prinsipyo, “Ang natututong magpakumbaba ay itataas.” Kaya pala nang makatagpo ni Hesus si Zaqueo, ang mensahe niya sa kanya ay: “BUMABA KA.” Ito kasi ang paraan ni Hesus. Alam ni Hesus na ang ginagawang paraan ni Zaqueo upang tumaas siya sa lipunan at mapansin ay ang pag-akyat (na simbolo ng pagtataas ng sarili). Sabi ni San Lukas: sabik daw si Zaqueo na makita si Hesus kaya umakyat siya sa puno ng sikomoro. Tiningala siya ni Hesus at sinabihan: Bumaba ka, makikikain ako sa bahay mo. Noon lang nasimulan ang tunay na pagtaas ng kanyang pagkatao: nang sabihin niyang, “Panginoon, kung may kinuha ako na hindi akin, isosoli ko ito nang makaapat na ulit.”
Walang magtataas sa tao kundi ang Diyos mismo. Tulad ng nasabi ko sa simula, hindi natin dapat itaas ang ating sariling bangko. Pagyayabang iyon. Hindi ba ang Magnificat ay sagot ni Maria kay Elisabet? Di ba’t pinakapuri-puri siya nang husto at pinakataas-taas ni Elisabet nang sabihin niya sa pinsan niya, “Mapalad ka sa babaeng lahat, at mapalad din ang dala mo sa iyong sinapupunan!” (Lk 1:42)
Sa Magnificat ang sagot ni Mama Mary ay, “Hindi ako kundi ang Diyos ang tunay na Dakila. Siya ang nagtaas sa akin, ako na isang abang alipin.” Kaya pala sa inawit niyang Magnificat, sinabi ni Mama Mary, “Ibababa niya ang mga nagmamataas at itataas niya ang mga nasa mababang kalagayan.” Hindi naman para ibaligtad ang sitwasyon nila kundi upang ipantay sila sa isa’t isa. Ito ang landas ni Kristo: sa mata ng Diyos pantay pantay ang dangal natin. Ibig niyang lahat tayo ay maging mga anak niya.
Itinuro ni Hesus ang sikreto ng tunay na pagtaas o pag-angat: hindi K (kayabangan) kundi ibang K (kababaan ng loob). Ito ang ibinigay niyang halimbawa sa kanyang pagkakatawang-tao, sa kanyang pagdurusa at kamatayan. Nag-KENOSIS muna siya. Ibinuhos nang lubos ang sarili upang punuan ang pagkukulang ng tao.
Malay natin na sa panahon natin, ang magpapaalalang muli sa diwa ng pakikilakbay na ginawa nina San Francisco at Sta. Clara ay isang Heswita na tumawag na Francisco sa sarili nya nang siya’y mahalal na Santo Papa? Para bang inulit ng Panginoon kay Pope Francis ang mensaheng sinabi niya kay St. Francis sa San Damiano: Rebuild my Church, isaayos mong muli ang aking simbahan. Paano? Sa pakikilakbay sa landas tungo sa talagang magbibigay ng kaganapan ng buhay.
Ito ang prinsipyong isinabuhay nina St. Francis at St. Claire na ginawang isang panalangin at pinasikat bilang kanta: “Gusto mong maging mapalad? Maging bukas-palad ka. Gusto mong tumanggap ng patawad? Magpatawad ka. Gusto mong magkamit ng buhay na walang hanggan? Huwag mong lagyan ng hangganan ang iyong kahandaang magbigay buhay, lubhang ito’y iyong ipagdusa at ikamatay.” Ito ang ibig sabihin ng makilakbay sa landas patungo sa kaganapan ng buhay.
(Homiliya para sa Ika-22 Linggo ng Karaniwang Panahon, 28 Agosto 2022, Luk 14: 1, 7-14, Sta. Clara Parish, Malabon City)