Pagsasa-Tagalog ng batas pinag-aaralan na

    466
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Sinimulan na ang pag-aaral sa batas gamit ang wikang Pilipino sa isang law school sa lungsod na ito noong Lunes ng gabi sa layuning higit na mailapit ang katarungan sa mga maralitang Pinoy.

    Ang pag-aaral sa batas ay nilahukan ng 14 na first year student ng Marcelo H. Del Pilar Law School ng Bulacan State University (BulSU) at pinangunahan nina retired Court of Appeals (CA) Justice Jose Dela Rama Sr., at retiradong Hukom Hermin Arceo, sa pagmamasid ni Atty. John Pallera na kumatawan sa Philippine Judges Association (Philja).

    Bilang dekano ng nasabing law school, si Dela Rama ay higit na nakilala bilang isa sa mahistrado ng  CA na nagpalabas at umakda sa Filipino ng 54-pahinang desisyon  na bumaligtas sa naunang conviction ng mababang hukuman sa kasong libelong isinampa ni dating Pangulong Corazon Aquino laban sa yumaong founding publisher ng Philippine Star na si Maximo Soliven at sa kolumnistang si Luis Beltran.

    Si Arceo naman ay nakilala sa mga librong kanyang isinulat at isinalin sa Pilipino kabilang ang Kodigo ng pamahalaang lokal.

    “Ito ang kauna-unahang pagtalakay sa batas sa loob ng klase, bilang pagtugon sa panawagan ng Korte Suprema,” ani Dela Rama sa pagbubukas ng klase.

    Kasunod nito ay ipinakilala niya si Arceo na ang pagtalakay sa Batas ng Pamahalaang lokal ay ikinatuwa ng mga estudyante dahil sa kaniyang mga dagdag na halimbawang may biro.

    Isa sa mga inihalimbawa niya ay, “tinanong ang akusado, bakit hindi ka dumating sa nakaraang pagdinig, at sumagot ito ng, eh, umuwi po kasi ako sa Nueva Vizcaya at nagpainom dahil namatay ang biyenan ko.  Tama ka, magpapainom din ako kung namatay ang biyenan ko.”

    Pagkatapos ng pagtalakay, sinabi ni Arceo na malaking bentahe sa mga mag-aaral ang paggamit ng wikang Filipino sa klase dahil, “mas naiintindihan nila ang pinag-uusapan.”

    Kinatigan naman ito ng mag-aaral na si Lito Zuniga na nagsabing, “mas okey ang ganito, lalo na sa aktuwal na pagdinig ng kaso sa korte.”

    Maging si Atty. Pallera ay nagsabi, mas maganda at nakatutuwa ang pagggamit ng Filipino sa klase.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here