Home Opinion Pagsalubong

Pagsalubong

93
0
SHARE

KUNG MAY kakaiba o natatangi tungkol sa Pilipinong pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay, ito ay walang iba kundi ang ating Ritwal ng Salubong. Hinahanapan ko ng salitang Ingles ang Salubong, wala akong maisip na salitang talagang katumbas. Pwede bang TO MEET? Pwede, pero hindi naman lahat ng kinakatagpo natin ay sinasalubong natin. Pwede bang TO LOOK FOR SOMEONE? Pwede, dahil kailangan mo talagang hanapin ang sasalubungin mo, pero hindi naman lahat ng naghahanap ay natatagpuan ang hinahanap, di ba? Pwede bang TO WELCOME? Pwede pero pwede ka ring maghintay lang sa bahay para magwelcome. Ang mas katumbas ng welcome ay PAGPAPATULOY. Ang sumasalubong ay lumalabas para hanapin at makatagpo ang hinihintay. Parang kombinasyon siya ng maraming salita sa Ingles—to meet, to look, to welcome.
Pwedeng mangyari na tulad nina Maria Magdalena, Pedro at Juan, lumabas nga sila, tumakbo, naghanap, pero wala pa ring nasalubong. Sa totoo lang sa kuwento ni San Juan, hindi naman si Maria Magdalena ang sumalubong sa Kristong muling nabuhay. Baligtad, si Hesus ang sumalubong sa kanya. Binulaga pa nga siya, di ba? Dahil nakilala lang siya nang bigkasin ni Hesus ang pangalan niya—Maria! May alam akong nagpunta ng airport, hindi nakita ang sinasalubong dahil maling airport pala ang pinuntahan.
Baka naman dumating na ang sinasalubong at nag-taxi na lang siya pauwi. Di mo siya nakita dahil sa dami ng mga taong mayroon ding sinasalubong. Kaya nga iyung ibang sumasalubong humahawak pa ng karatula para mas madali silang makita ng sinasalubong.
Di ba mayroong kantang “Tie a Yellow Ribbon”? Maganda ang kuwento ng kantang iyon. Tungkol sa isang lalaking nabilanggo pero lumaya na. Sumulat sa asawa para sabihing uuwi siya, pero hindi siya sigurado kung tatanggapin pa ba siya dahil sa mga pagkakamaling nagawa niya sa buhay. Kaya pala ang sabi ng kanta:
Whoa, tie a yellow ribbon ’round the ole oak tree
It’s been three long years
Do ya still want me?
If I don’t see a ribbon ’round the ole oak tree
I’ll stay on the bus, forget about us, put the blame on me
If I don’t see a yellow ribbon ’round the ole oak tree
Yun lang daw. Kahit hindi mo ako salubungin, sabi niya, magtali ka lang ng yellow ribbon sa oak tree na malapit sa bahay natin, sapat na iyon para malaman kong welcome pa ako. Pero kung hindi, di ako bababa sa bus, ok lang na kalimutan mo na ako. Kaya kinausap daw niya ang bus driver nang malapit na sa kanila na maghinay-hinay nang kaunti. “Kung pwede ho, kayo na lang ang tumingin kung meron bang nakataling yellow ribbon. “Di daw niya matiis pag nakita niyang walang yellow ribbon, dahil ibig sabihin hindi na siya welcome.
Pero laking gulat daw niya nang hindi lang ang driver kundi pati ibang pasahero sa bus ang napasigaw sa nakita nila. Sabi ng kanta,
Now the whole damned bus is cheerin’
And I can’t believe I see
A hundred yellow ribbons ’round the old oak tree
Hindi niya mapaniwalaan ang tumambad sa paningin niya: hindi lang isa kundi daan-daang mga yellow ribbons ang sumalubong sa kanya, nakatali sa bawat punongkahoy kahit malayo pa sa bahay nila. Ito ang background kung bakit sumikat ang kantang ito sa Pilipinas noong 1986.
Sa ibang mga alagad na may atraso, lalo na sa mga umabandona kay Hesus sa kalbaryo mahirap maganap ang salubong. Nagsipagtago kasi sila sa takot na baka arestuhin din sila at bitayin sa krus. Ang mensahe ng Pagkabuhay ay—kung ibig mong sumalubong, lumabas ka, huwag matakot, lumantad ka sa liwanag.
Si Magdalena lumabas na nga pero hindi pa rin niya makita si Hesus. Di ba may kasabihan, kung ahas lang iyan baka natuklaw ka na. Nasa harapan na niya, hindi pa rin makilala dahil sa tindi ng pagkalungkot at pagluluksa niya. Kaya pala ang simbolo ng salubong ay belong itim. Maraming kahulugan ang belong itim ng SALUBONG. Madre Dolorosa ang tawag sa mahal na inang sumasalubong—ang Mahal na inang natatakpan mula ulo hanggang paa ng damit na panluksa.
Kapag pati puso at kaluluwa mo ay madilim, talagang hindi mo makikita ang liwanag. Lahat ng nasa paligid mo ay didilim din. Katulad ng nagaganap sa ating bansa. Paano natin makikita ang mga kandidatong may tunay na malasakit sa bayan kung hahayaan nating matakpan ang mga mata natin ng ayuda? Baka ang inaakala natin tulong talaga, pero pera din pala ng bayan na ipapautang-na-loob sa atin ng mga tipo ng lider na maitim ang budhi, lalo na ng mga sanay sa pagpapatron? Paano natin makikita ang totoo kung magpapadala tayo sa propaganda at maling impormasyon porke’t nagba-viral sa social media? Paano natin masisilayan ang pag-asa kung napupuno ng galit pagkamuhi ang ating mga kaluluwa laban sa isa’t isa? Paano masisilayan ang liwanag kung hahayaan natin udyukin sa kalooban natin ang sama ng loob at hinanakit? Mananatiling madilim ang bukas para sa susunod na henerasyon kung hahayaan natin ang takot at pangamba na pigilan tayong manindigan para sa tama at matuwid!
Sabi ng Panginoon, “Kung masama ang iyong paningin, ang buong katawan mo ay mapupuno ng kadiliman. Kung ang akala mong liwanag na nasa iyo ay kadiliman pala, napakatindi ng kadilimang iyan!”
Minsan kailangan natin ng tulong sa paghahanap. Kailangang matutong magmasid at kumilatis sa mga palatandaan na gagabay sa atin patungo sa tamang direksyon. Kaya mahalaga sa mga nakababata ang makinig sa karanasan at pinagdaanan ng mga nakatatanda. Kung hindi, baka sila maligaw at walang masalubong na hinaharap sa buhay. Ang hindi sumasalubong ay walang pasalubong.
Apatnapung araw tayong naghanda para sa araw ng ito ng Pagkabuhay, ang araw ng Pagsalubong. Pero limampung araw pang naghintay ang mga alagad bago natanggap ang Pasalubong sa Araw ng Pentekostes. Sinabi daw ni Hesus sa kanila, “Tatanggap kayo ng kapangyarihan sa pagbaba ng Espiritu Santo sa inyo, upang kayo ay maging mga saksi ko sa Jerusalem, sa Judea at Samaria at sa sangkalupaan.”
Kaya tayo sumasalubong dahil hinihintay natin ang pasalubong ng Pagkabuhay—ito ay walang iba kundi ang Espiritu Santo, na magbibigay pag-asa sa mga nasisiraan ng loob. Siya ang magbubuklod sa atin at mananatiling kapiling natin, para kahit mawala siya sa ating paningin, naroon pa rin siya, dahil siya at tayo ay magiging iisa na. Siya ang magbibigay ng happy ending sa mga kuwento nating madalas maging masaklap, mapait at malagim.
Tinanong ko ang isang kabataan kung ang Merry Christmas sa Tagalog ay Maligayang Pasko, ano naman ang Happy Easter? Sabi niya Happy Easter din po. Iyung mga matatanda ang alam nila ay Maligayang Paskong Pagkabuhay. May suggestion ako, ipauso natin. Mula ngayon, ang gawin nating Pilipinong pagbati ng Happy Easter ay MALIGAYANG PAGSALUBONG!
(Homiliya para sa Paskong Pagkabuhay 2025, Juan 20:1-9)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here