LUNGSOD NG MALOLOS—Ipinagtanggol ni dating Senador Ramon Magsaysay Jr., ang pagsadsad ng barkong US Guardian sa Tubbataha Reef at sinabing walang malisya ang pagpasok doon.
Ngunit para sa International Association of People’s Lawyers (IAPL), ang nasabing insidente ay isang panghihimasok ng Estados Unidos sa soberanya ng bansa.
Sa panayam ng Punto noong Miyerkoles, nanawagan si Magsaysay sa pagtutulungan hinggil sa pagsadsad noong Enero 17 sa Tubbataha Reef ng USS Guardian, isang mine sweeper ng 7th Fleet ng Amerika.
Si Magsaysay ay nakapanayam ng Punto matapos basahin ang talumpati ni Pangulong Aquino sa ika-114 guning taon ng pasinaya sa Unang Republika sa makasaysayang simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito noong Enero 23.
Bahagi ng talaumpating binasa ni Magsaysay ay ang pagpapahalaga sa soberanya ng Pilipinas.
Ngunit sa panayam, binigyang diin ng dating senador na ang Amerika ay isang partner ng Pilipinas sa pandaigdigang kalakalan.
Idinepensa rin niya ang Amerika sa pagsasabing, “wala namang malisya ang US Navy diyan, talagang sumadsad lang, kasi ang kanilang digital mapping ay mali.”
Binanggit din ng dating senador ang paliwanag sa kanya ni retired Navy Commodore Domingo Salipsip na ang coral reef ay nagbabago bawat taon dahil ito ay lumalago at tumataas.
Sa panayam, tinanong ng Punto kay Magsaysay kung ano ang pakay ng USS Guardian sa Tubbataha Reef, ngunit ang kanyang naging tugon ay pagkumpirma na ang barkong pandigma ng Amerika ay “in Philippine waters.”
Hinggil naman sa katanungan sa pagiging “reef sweeper” ng USS Guardian na isang “mine sweeper” ay napatawa na lang si Magsaysaya.
Samantala, inilarawan ng IAPL na ang insidente ng pagsadsad ng USS Guardian sa Tubbataha Reef bilang “deplorable.”
Sa isang pahinang pahayag na inilabas noong Miyerkoles, sinabi ng IAPL na, “this is the second incident this month that the US is caught encroaching on Philippine territory. It is an outright intrusion and a brazen insult to the country’s sovereignty and territorial integrity.”
Ayon kay Abogado Edre Olalia, pangulo ng IAPL at pagkalahatang kalihim ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), naniniwala ang IAPLna ang nasabing insidente ay “indicative that the US is making the Philippines its doormat towards its thrust to maintain its political, economic and military hegemony and imperialist control over Asia and the Pacific.”
Nagpahayag din si Olalia ng pagkadismaya sa pahayag ng kalungkutan sa nasabing insidente ni US Navy Vice Adm. Scott Swift, Commander of the 7th Fleet.
Ayon kay Olalia: “Their expression of regret, based on historical and contemporary events, is suspect and unconvincing and therefore, unacceptable. Their proffered explanation why it ran aground is again incredible.
Sooner or later it will run out of excuses. The US must be held accountable for the destruction.”