Home Headlines Pagpapalapad sa Labangan Bridge 1 sa Calumpit, nagsimula na

Pagpapalapad sa Labangan Bridge 1 sa Calumpit, nagsimula na

908
0
SHARE

Naibaon na ang mga pundasyon ng pinapalapad na Labangan Bridge 1 sa Calumpit, Bulacan. Magiging apat na linya na ang kasalukuyang salubungang tulay upang maipantay sa lapad ng Mac Arthur Highway at mapaluwag ang daloy ng trapiko sa bahaging ito ng bayan. (Shane F. Velasco/PIA 3)


 

CALUMPIT, Bulacan — Sinimulan nang ibaon ang mga pundasyon sa magiging apat na linya nang Labangan Bridge 1 sa Calumpit na bahagi ng Mac Arthur Highway o Manila North Road.

Ayon kay Department of Public Works and Highways o DPWH Bulacan First District Engineering Office Head Henry Alcantara, ipapantay sa kasalukuyang lapad ng Mac Arthur Highway ang gagawin sa nasabing tulay.

Sa kasalukuyan ay salubungan o dalawang linya lamang ang Labangan Bridge 1 kaya’t nagkakaroon ng pagbagal hanggang sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa bahagong ito ng Calumpit.

May halagang 101.6 milyong piso ang ginugugol dito ng DPWH na target matapos sa unang bahagi ng 2022.

Kapag nakumpleto ang konstruksiyon nitong magiging mas malapad na Labangan Bridge 1, magiging 100 porsyento nang apat na linya na ang lahat ng mga tulay na madadaanan sa Mac Arthur Highway mula sa Calumpit hanggang sa Meycauayan.

Tumatawid sa ibabaw ng Labangan Channel na bahagi ng Angat River ang Labangan Bridge 1.

Bilang bahagi ng Mac Arthur Highway, nagsisilbi itong alternatibong ruta kapag may isinasarang daan o ibang tulay sa hilaga ng Calumpit at sa Apalit, Pampanga.

Dito rin lumalabas ang mga sasakyan na galing sa Pulilan Exit ng North Luzon Expressway na galing sa Pampanga na patungo sa Malolos habang pangunahing ruta ito ng mga bus na bumibiyahe paluwas sa Metro Manila at papuntang Pampanga o Zambales na hindi express.

Kaugnay nito, hindi naman ganap na isinara ng DPWH ang daloy ng trapiko sa nilalaparang tulay.

Patuloy pa ring nakakadaan ang mga motorista, bagama’t may mga oras na nagiging alternate one-way upang bigyang-daan ang pagbubuhos ng semento sa ibinabaon na mga pundasyon.

Taong 2002 nang isailalim sa rekonstruksyon ang Labangan Bridge 1 sa tulong ng Asian Development Bank.

Pinalitan ng mas matatag at itinaas ang lebel ng nasabing tulay na noo’y naabot ng tubig ng Angat River kapag panahon ng tag-ulan at high tide.

Muli itong binuksan sa trapiko noong 2004 sa panahon na nagsimula ang pagpapalapad ng Mac Arthur Highway. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here