SAMAL, Bataan — Isinagawa ngayong Ash Wednesday ang pagpapahid ng abo sa mga noo ng mga mananampalataya sa mga simbahan ng Katoliko at Iglesia Filipina Independiente (IFI) sa Bataan bilang panimula ng Kwaresma.
Punong-puno ang mga simbahan tulad ng Samal Catholic Church, isa sa pinakamatandang simbahan sa Bataan.
Bagama’t may tungkod dulot ng operasyon dahil sa paglalaro ng basketball, pinangunahan ni Rev. Fr. Jefferson Paule ang pagpapahid ng abo sa mga Katolikong nagsimba, kabilang ang maraming mag-aaral sa Saint Catherine of Siena Academy.
Tema ng mga homily ang tungkol sa pagsisisi at pag-aayuno.
Ang pagpapahid ng abo sa mga noo ng mga nagsisimba ay gaganapin maghapon sa lahat ng Banal na Misa nitong Miyerkules.
Ang pagpapahid ng abo ng mga kabilang sa IFI o Aglipayan Church sa Samal na nasa ilalim din ng Parokya ni Saint Catherine of Siena ay pinangunahan naman ni Rev. Fr. Roderick Miranda.
Ang mga abo ay galing sa mga lumang palaspas na sinunog noong Martes ng gabi. Isinagawa ang liturhiya ng pagsusunog ng palaspas sa saliw ng mga awitin ng mga mananampalataya sa harap ng simbahan.
“Ang gabing ito ay itinakda ng ating simbahan upang mapasimulan ang pagninilay sa ating mga sarili upang tayo’y maging karapatdapat na makapagdiwang sa muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesucristo,” paliwanag ni Fr. Miranda.
Ang susunugin, ayon sa butihing pari, ay ang mga palaspas na ginamit noong nakaraang Linggo ng Palaspas. “Ito’y isang matandang kaugalian ng ating simbahan na sumisimbolo sa muli nating pakikibahagi at pag-aalay sa pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesucristo.”
Sumunod na isinagawa ang pagpapalit ng kulay ng damit sa Banal na Hapag.
“Mula sa kulay luntian ay ipapalit natin ang kulay lila na sumisimbolo ng ating pagtitika at pagsisisi. Nawa minamahal kong mga kapatid ay maging kabahagi tayo sa mahalagang gawain ng ating simbahan at ating isabuhay ang mga aral at utos ng ating Panginoong Hesuscristo.