Home Opinion PAGKANSELA SA K TO 12, NAPAPANAHON NA NGA BA?

PAGKANSELA SA K TO 12, NAPAPANAHON NA NGA BA?

125
0
SHARE
1.
Ang k to 12 nang ito ay ipasimulan ng gobyerno
sa pamunuan ng dating pangulong Noynoy Aquino
hindi lamang mag-aaral ang labis na apektado
kundi pat magulang sa sambayanang Pilipino
2.
Ang dating apat na taon sa hayskul ay dumami pa
nang dahil sa K to12 ay nadagdagan ng dalawa
kung kaya’t ang mag-aaral ay labis na nadismaya
kasama na ang magulang sa nabanggit na programa
3.
Sino namang magulang ang di nga naman mababanas
sa karagdagang gastos na papasanin sa balikat
lalo sa hanay ng mga mamamayang mahihirap
na nagpupunyagi upang mapag-aral mga anak
4.
Dahil na rin sa K to 12 may pangarap na naudlot
yan ay mga mag-aaral na sa buhay ay hikahos
sapagkat sa senior hayskul kapag bata’y nakatapos
sinasabing madali ng sa trabaho’y makapasok
5.
Dahil yan ang paliwanag sa dating administrasyon
sa liderato noon ng yumaong pangulong Noynoy
na kapag daw natapos mo itong BASIC EDUCATION
madali ng makahanap ng trabahong nilalayon
6.
Taliwas ang mga bagay na kanilang sinasabi
sa tunay na nagaganap at totoong nangyayari
tapos ka man ng k to 12 ay wala rin namang silbi
ayon sa rebelasyon at daing ng nakararami
7.
Karamihan sa kumpanya ay titulado ang hanap
ang graduate ng SENIOR HIGH SCHOOL ay hindi rin natatanggap
kahit na may karanasan kaalaman di raw sapat
sa nagtapos ng K to 12 ito’y tila panlilibak
8.
Ang matagal na panahon na pag-aaral ng bata
sadyang nakakabagot kung kaya’t sila’ nananawa
bago matapos ng COLLEGE may nag-a-asawang bigla
lalo na kung may edad na ang dalaga at binata
9.
Bakit di na lang ibalik sa dating apat na taon
upang bata’y di mabagot sa matagal na panahon
nasa mag-aaral naman at magulang ang desisyon
kung ano lamang ang kaya sa pagpili ng propesyon
10.
Dati-rati pag natapos ang bata sa sekondarya
mamimili kung ano ang kukuhanin na karera
maaaring VOCATIONAL o kaya’y mas mataas pa
depende sa kabuhayan at sa kagustuhan nila
11.
Kung ganoon ang K to 12, di na lubha pang kailangan
bukod sa dagdag gastos ay tila wala namang saysay
sapagkat ang mga pinoy mayro’ng kakayahang taglay
matalino, madiskarte kahit saan mang larangan
12.
Kung kaya’t ang K to 12 ay dapat na ngang kanselahin
marami ng di sang-ayon na ito ay palawigin
sila’y wala lang magawa upang ito’y sansalain
pagkat ito’y direktiba na nararapat lang sundin
13.
Wala namang naidulot na buti sa edukasyon
gumugol lang ng salapi’t nag-aksaya ng panahon
Ibalik na lang sa dating hayskul na apat na taon
sigurado, marami ang matutuwa’t sasang-ayon..

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here