LUNGSOD NG CABANATUAN – Pinangunahan ni Gov. Aurelio Umali ang kauna-unang selebrasyon ng pagkakatatag ng lalawigan ng Nueva Ecija, ang ika-255 anibersaryo, na ginanap sa harapan ng Old Capitol, Burgos Ave. sa lungsod na ito nitong Abril 25.
Dinaluhan ng iba’ibang ahensiya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, at mga samahang sibiko ang selebrasyon.
“Marahil kasing-init ng araw na ito na tayo po’y nagtipon upang ituwid at bigyang pagkilala ang tunay na kapanganakan ng ating lalawigan,” ani Umali sa kanyang mensahe. “It is but important for us to understand our history.”
Ibinahagi ng punong lalawigan na taong 2013 nang kanyang ikomisyon ang isang grupo upang mag-aral at manaliksik hinggil sa pagkakatatag ng Nueva Ecija.
Lumabas sa pag-aaral ng Abril 25, 1801 noong itinatag ang Nueva Ecija.
“Mahigit sampung taon na at ngayon sa bisa ng Porklamasyon 1211, iginawad sa ating lalawigan ay pormal nating kinikilala na ang petsang Abril 25 ang siyang tunay na kaarawan ng lalawigan ng Nueva Ecija,” pahayag ni Umali.
Dahil dito ay dalawang holiday ang ipagdiriwang sa Nueva Ecija, ang isa ay Unang Sigaw ng Nueva Ecija na dati nang ginagawa tuwing Setyembre 2 ng bawat taon. Komemorasyon ito ng pakikipaglaban ng mga bayaning Novo Ecijano para sa kasarinlan na nagdala sa Nueva Ecija bilang isa sa mga lalawigang kinakatawan ng walong sinag ng araw sa Pambansang Watawat ng Pilipinas.
“Ang Unang Sigaw ay simbulo ng katapangan at malasakit na ginawa ng mga unang Novo Ecijano kapagka ang ating kalayaan at kasarinlan ay niyuyurakan,” dagdag ni Umali.



