PAGHAHANDA SA KALAMIDAD
    Info drive sisimulan kahit wala pang Emergency Action Plan

    573
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Ang karanasan ang pinakamahusay na guro.

    Muling nagkahubog ang kasabihang ito sa lalawigan dahil ngayon pa lamang ay nagsisimula na ang paghahanda sa kalamidad.

    Ito ay sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMC), pitong buwan matapos lumubog ang ilang bayan sa Bulacan sa bahang hatid ng bagyong Pedring at Quiel.

    Ito ay sa kabila na hindi pa natatapos ang inihahandang Emergency Action Plan (EAP) ng Tonkin & Taylor International, ang kumpanyang kinontrata ng pamahalaan para  magsagawa ng pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam.

    “Mainam na ang handa para hindi mapinsala,” ani Liz Mungcal, ang hepe ng PDRRMC.

    Sinabi niya sa Mabuhay na simula sa Mayo 24 ay pangungunahan ng PDRRMC ang information drive o paghahatid ng impormasyon para sa kahandaan ng mga mamamayan sa pagtugon sa kalamidad.

    Ito ay isasagawa sa 70 barangay ng mga bayan ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Paombong at Hagonoy na pawang matatagpuan sa gilid ng Ilog Angat.

    Makakasama ng PDRRMC sa nasabing kampanya ang National Power Corporation ((Napocor), Pampanga Flood Forecasting and Warning Center (PFFWC), Common Purpose Facilities na namamahala sa Ipo Dam, at ang pamunuan ng 10 bayang nabanggit.

    Ayon kay Mungcal, layunin ang kanilang kampanya na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga residente hinggil sa pagtugon sa kalamidad tulad ng pagbaha.

    Ang impormasyong kanilang ipamamahagi ay bahagi ng EAP na kanilang inihanda. Ito ay bukod pa sa EAP na na tinatapos ng Tonkin & Taylor.

    “Matatapos na yung EAP namin pati yung family preparedness plan at tapos na rin yung draft,” ani Mungcal at sinabing ang impomasyong nilalaman ng mga ito ay sisimulan na nilang ipabatid sa mga tao.

    Ilan sa binanggit niyang impormasyon ay batay sa karanasan ng mga Bulakenyo sa pagbahang hatid ng bagyong Pedring at Quiel noong Setyembre at Oktubre.

    “Importante na ngayon pa lamang ay matutunan na ng mga tao ang mga dapat ihanda kapag nalalapit ang panahon ng tag-ulan, pati yung mga lugar na lilikasan nila kung kinakailangan,” aniya.

    Sinabi pa ni Mungcal, na tinatapos na rin nila ang pagbuo sa color coding sa panahon ng kalamidad.

    Bahagi nito ay batay sa isang panukala matapos ang pagbaha noong nakaraang taon.

    Sa nasabing panukala ay ipinaliwanag ang kahalagahan ng paghahatid ng kaalalam sa taumbayan kung anong kulay ang dapat nilang ilawit sa labas ng bahay kung baha.

    Ito ay upang matukoy ng mga sumasaklolong rescue group kung alin ang dapat bigyan ng unang prayoridad, lalo na kung walang kuryente at putol ang komunikasyon sa pamamagitan ng telepono.

    Ang nasabing panukala ay unang ipinabatid kay Provincial Administrator Jim Valerio noong Oktubre matapos ilahad ang karanasan sa pagbaha sa Hagonoy.

    Inihalimbawa kay Valerio ang mga kababaihang buntis at mga maysakit na hindi agad nasaklolohan ng mga rescue groups, dahil nasa loob sila sa kani-kaniyang mga bahay.

    Inayunan ni Valerio ang panukala at ipinayo sa PDRRMC sa buuin ang konsepto nito upang higit na makatugon sa pangangailangan ng mamamayan.

    Bukod dito, ipinanukala din kay Valerio na isalibro ang EAP sa halip na ipalimbag sa mga brochure.

    Ito ay dahil sa ang mga brochure ay karaniwang itinatapon lamang, samantalang ang mas makakapal na babasahin tulad ng libro ay iniingatan at iniuuwi sa bahay.

    Sa panayam ng Punto kay Mungcal, sinabi niya na ipalilimbag din nila bilang isang libro ang kanilang EAP, at bukod dito, magpapalimbag din sila sa anyo ng komiks.

    Ito ay upang higit na ma-engganyo ang mga mamamayang Bulakenyo na basahin ang impormasyon sa paghahanda sa kalamidad.

    “Kumbaga kasi sa labanan, ang pinakamabisang sandata natin ngayon ay kaalamang hatid ng impormasyon para maging handa ang tao, kaya tinututukan namin ang information drive,” ani Mungcal.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here