LUNGSOD NG SAN FERNANDO – Isang malawakan at masusing pag-aaral sa water impounding, lake- at water-retention areas na maaaring pag-imbakan ng tubig tuwing tag-ulan at magamit sa irigasyon sa panahon ng El Niño at iba pang epekto ng climate change ang naging sentro ng pagpupulong sa Kapitolyo nitong Lunes, Oct. 5.
Pinangunahan nina Gov. Lilia “Nanay” Pineda at Vice Gov. Dennis “Delta” Pineda ang pagpupulong kasama sina National Irrigation Administration-Pampanga-Bataan Irrigation Management Office division manager Engr. Ruben Llamas, Department of Agriculture Region 3 technical director Dr. Arthur Dayrit, office of the provincial agriculturist, at mga samahan ng magsasaka at irrigators upang talakayin ang pangmatagalang solusyon sa tubig at patubig para sa sektor ng agrikultura.


Itinutulak din ang pagpapalawak ng solar-powered irrigation, na makababawas sa gastos ng mga magsasaka sa diesel. Target na magkaroon ng 50 solar-powered irrigation units pagsapit ng 2027, sa koordinasyon ng NIA at DA.


Kabilang sa mga dumalo ang mga kinatawan ng Pabanlag Farmers Association, Calangain Irrigators Association, Bacolor Onion Farmers Association, Talang Ligaya Farmers Association, San Matias Quilo Farmers Association, San Miguel Rice, Corn and HVCC Farmers Association, Pitabacan Farmers Association at Calantas Agricultural Farmers Association.
Samantala, 37 benepisyaryo ang nabigyan ng rice assistance bilang dagdag na suporta sa kanilang kabuhayan. Pampanga PIO/Photos: Daniel Ombina, Gerald Gloton



