OLONGAPO CITY- Nababahala na ang mga residente at mga negosyante sa lungsod na ito dahil sa patuloy na
pag-atake ng di pa kilalang grupo ng Akyat-Bahay dito. Batay sa report ng PNP tatlong magkakasunod na insidente ng nakawan ang naitala sa loob ng isang araw kung saan pawang mga dayuhan ang mga nabiktima.
Sa report ni Tina Zhou, Chinese national at residente ng Fountain Street, Barangay East Bajc-Bajac, sumaglit lang ito sa grocery store ngunit pagbalik sa kanyang bahay ay bukas na ang kuwarto at puwershang sinira ang safety vault kung saan nakalagay ang kanyang alahas na nagkakahalaga ng P100,000 at cash na P20,000.
Winasak din ng magnanakaw ang pintuan ng tinutuluyang Freshsea cottage sa Barangay Barretto ng biktimang
si Jonathan Buether, American national, kung saan tinangay ang kanyang laptop, camera at Lamborghini na relo na umaabot sa kabuuang halaga na P70,000.
Pahayag ng biktima sa pulisya nagtungo lamang ito sa pamilihang bayan sa Subic, Zambales para mamalengke at pagbalik nito sa tinutuluyang cottage ay naglahong para bula ang lahat ng kanyang kagamitan.
Pinasok din ng mga magnanakaw ang Subic Meat Supplies sa Barangay Barretto kung saan tinangay ang may P50,000 na kita na nakalagay sa safety vault, isang LG component at mga grocery items.
Ayon sa mga testigo nakita nila ang dalawang nakaparadang kotse sa tapat ng Subic Meat Supplies sakay ang tatlong di kilalang kalalakihan. Magpahanggang sa ngayon wala pang matukoy na suspek ang Olongapo PNP sa naganap na sunod-sunod na nakawan sa pagpasok pa lang ng taong 2014.