Ilan sa sektor na matinding tinamaan ay ang kabuhayan, kalusugan, at ang kalidad ng edukasyon ng kabataan sa mahigit dalawang taon sa pandemya.
Ayon kay Bise Presidente Leni Robredo na tumatakbo sa pagkapangulo sa darating na eleksyon, agarang tugon sa mga pinaka-pangangailangan ng pamilyang Pilipino ang kaniyang tututukan.
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority nitong Disyembre 2021, 3.27 milyon ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho. Kung kaya’t ayuda sa mga Pilipino na nawalan ng trabaho ang una niyang bibigyan pansin.
“May sasahod sa bawat pamilya, ang mawawalan po ng trabaho ng hindi niya kasalanan, 3 buwang may ayuda, kung pagsapit ng 3 buwan hindi pa rin nakakahanap ng bagong trabaho, gubyerno mismo ang magbibigay ng trabaho para sa iyo,” pahayag ni Robredo.
Ayon naman sa DOH, umabot na sa 3.66 milyon ang kabuuang bilang ng Covid-19 cases sa bansa, kung saan higit 56,000 na ang namamatay.
“Bawat pamilya dapat may nalalapitang doktor, hindi magiging dahilan ang kahirapan para makatanggap ng serbisyong pangkalusugan ang lahat ng nangangailangan,” aniya.
Sa usaping distance learning at online classes naman ng mga bata dahil sa pandemya, pahayag ni Robredo ang accessibility, internet connectivity at speed pa rin ang nagiging problema kaya hirap makapag-aral.
“Bubuksan na din po natin ang mga eskwelahan sa ligtas na paraan, ibubuhos po natin ang pwersa ng estado para bawat bata magkaroon ng de kalidad na edukasyon”
- Ito ang iilan sa mga konkretong solusyon ni Robredo sakaling maupo bilang presidente upang mabigyang pansin ang lahat ng Pilipino at umangat ang kalidad ng buhay.