Pag-aaral ng kasaysayan

    590
    0
    SHARE
    Kapuri-puri ang pagsasagawa ng unang pambansang kumperensiya hinggil sa kasaysayan, kalinangan at sining ng Bulacan at Pampanga na pinangunahan ng Center for Kapampangan Studies, Bahay Saliksikan ng Bulacan at Arte Bulakenyo Foundation Inc., (ABFI).

    Ito ay inuturing na isang daan patungo sa higit na pag-uunawaan ang dalawang dakilang lalawigan.



    Ayon kay Robby Tantingco ng Center for Kapampangan Studies, ang pagkakaisa ng Bulacan at Pampanga ay krusyal sa pagsisimula ng pagbuo ng bansa dahil sa dalawang dakilang lalawigan nagmula ang mga unang maghihimagsik para sa sa kalayaan.

    Sila ay mga katutubong nagmula sa Hagonoy, Bulacan at Macabebe, Pampanga na lumaban sa mga Kastila sa Battle of Bangkusay noong Hunyo 3, 1571.



    Para naman kay Dr. Luis Camara Dery ng De La Salle University, ang paghihimagsik ng mga Pilipino na naitala sa kasaysayan ay humina hindi dahil sa kakulangan ng armas.

    Ito ay dahil sa paghihiwa-hiwalay ng ibat-ibang tribu na sinamantala at ginatungan pa ng mga Kastila.



    Inilarawan ng mga historyador ang pamamaraang ito na “divide and conquer.”

    Para sa mga nagsipag-organisa ng nasabking kumperensiya, ang kabaligtaran ng pamamaraan ng pananakop ng Kastila ang kanilang layunin. “Know, unite and stand as one.”



    Isa mga pananaw na isinulong sa kumperensiya ni Ian Alfonso, isang mag-aaral ng Bulacan State University ay bahagi ng Pampanga ang Bulacan, na inayunan ng pamahalaang panglalawigan ng Bulacan.

    Ngunit hindi kumbisido si Dr. Jaime Veneracion, ang pangunahing historyador ng Bulacan sa pananaw na “anak ng Pampanga ang Bulacan.”



    Para kay Dr. Veneracion, imposible ang nasabing pananaw, dahil may sariling lengguwahe ang dalawang lalawigan.

    Ang lengguwahe, aniya ang simula ng kalinangan ng isang pamayanan o bayan o lalawigan.



    Ang mga palitan ng pananaw na tulad nito ay matuturing na pangunahing kontribusyon ng tatlong araw na kumperensiya.

    Ito ay nagpapakita lamang na hindi pa tapos ang kasaysayan. Marami pang dapat saliksikin, suriin, matutuhan, at ihayag.



    Hindi biro ang mag-aral ng kasaysayan at kalinangan, at hindi rin ito nakakabagot sapagkat, maraming maliliit na impormasyon ang higit na magbibigay kulay dito.

    Ayon kay Gene Gonzales ng Café Ysabel, isa sa mga paniniwala ng mga sinaunang Kapampangan at Bulakenyo ay masarap ang manok na tagalog o native kaysa manok na galing sa poultry. Mas malasa daw kasi ang manok na hinahabol muna bago lutuin.



    Sa pag-aaral ng kasaysayan at kalinangan din natuklasan ni Gonzales ang epekto ng pagbabago ng panahon sa kusina.

    Dati raw ay maraming nabibiling kamaru sa Pampanga, ngayon ay halos wala na kaya bumibili pa sila sa Thailand.



    Tunay na maganda ang layunin ng nasabing kumperensiya. Ngunit marami pa ang dapat gawin upang higit iyong maging makabuluhan.

    Kapansin-pansin na ang mga dokumento at kuwentong naipon ng mga histryador at mula sa mga tala ng pamahalaan at mga ilustrado ng nagdaang panahon katulad ng ilang binanggit ni Gonzales.



    Ito ay nangangahulugan na ang kasaysayan at kalinangang kanilang inilahad ay mula sa pananaw ng mga mayayaman o may kaya.

    Ang kasaysayan at kalinangang ito ay hindi sapat. Dapat ay bigyang pansin ang pananaw ng mga mahihirap oa walang kaya sa nagdaang panahon upang maipakaita ang buong larawan ng kahapong lumipas.



    Gayunpaman, hindi natin masisisi ang mga historyador dahil ang mga iimporasyong kanilang naiipon ay nagmula sa tala ng mga ilustrado.

    Sabi nga ni June Joson ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan, noon at ngayon, mas inuuna ng mga mahihirap na ibili ng pagkain ang kanilang pera sa halip na ibili ng libro at itala ang kanilang kasaysayan.



    Ngunit hindi pa rin ito dapat maging hadlang. Dapat nating ikunsidera ang mga tradisyon pagkukuwento ng mga matatanda o oral history.

    Isa rin itong hamon sa mga mamamahayag ngayon na bigyang pansin ang pananaw at saloobin ng mga simpleng mamamayan kumpara sa karaniwang nasusulat na pananaw ng mga opisyal at mga taong nangingibabaw sa lipunan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here