LUNGSOD NG MAYNILA — Nagpahayag ng pagbati ang mga bumubuo ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa tagumpay ni Hidilyn Diaz na kauna-unahang Olympic gold medalist mula sa Pilipinas para sa women’s 55-kilogram weightlifting category.
Ayon kay Secretary Greco Belgica, chairperson ng PACC, karangalan ng bansa ang tagumpay ni Diaz na tumalo sa Chinese athlete na si Liao Qiuyun para sa last lift ng clean and jerk sa bigat na 224 kilograms.
Nagpapasalamat si Belgica sa pagpupunyagi ni Diaz na makamit ang titulo na kauna-unahang Olympic gold medalist ng bansa na maituturing aniya na isang “national treasure”.
Si Diaz aniya ay isang inspirasyon sa mga Pilipino dahil nagmarka na ang pangalan nito sa buong mundo sa kasaysayan ng pangpalakasan na hindi sumuko sa mga pagsubok para masungkit ang gintong medalya.
Ani Belgica, malaking ambag ang tagumpay ni Diaz para mapagbuklod ang bansa mula sa pagkakawatak-watak sa isyu ng pulitika, katiwalian at krisis sa kalusugan bunga ng covid-19 pandemic.