Pabahay para sa biktima ng bagyong Ondoy itinatayo na

    529
    0
    SHARE

    PLARIDEL, Bulacan – Nagpahayag ng suporta ang Caritas Manila para sa itinatayong pabahay para sa mga biktima ng bagyong Ondoy noong 2009.

    Ang nasabing pabahay na tinawag na Jubilee Homes ay pinasimulan ng Diyosesis ng Malolos at nakatakdang ipagkaloob ang unang 100 bahay sa Marso ng susunod na taon kaugnay ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng diyosesis.

    Bukod sa mga  pamilyang naging biktima ng bagyong Ondoy sa Marilao at bayang ito noong 2009, ang Jubilee Homes ay bukas din para sa mga retiradong pari, manggagawa ng diyosesis ng Malolos, guro, kawani ng gobyerno at iba pang propesyunal.

    Ayon kay Father Dennis Espejo, kura ng parokya ni Santiago Apostol sa bayang ito at tagapangulo ng Commission on Social Action ng diyosesis, nagalak ang kinatawan ng Caritas Manila sa nasabing proyekto.

    Ang tinutukoy niya ay si Father Anton Pascual ng Caritas Manila na bumisita sa nasabing pabahay na matatagpuan sa Barangay Lumang Bayan ng bayang ito noong Agosto 17.

    “Approve na in principle ang suporta ng Caritas Manila, pero kailangan pa ng approval ng kanilang board,” ani Espejo.

    Ayon kay Espejo, nangako si Pascual na gagastusan ng Caritas Manila ang pagpapatayo ng isang bloke ng mga bahay sa Jubilee Homes.

    Ang isang bloke sa nasabing proyektong pabahay ay binubuo ng 16 hanggang 20 bahay.

    Sa kasalukuyan, mahigit na sa 10 bahay ang naitayo sa Jubilee Homes at ayon kay Espejo, umaasa sila na matatapos ang kabuoang 100 bahay na ipamamahagi nila sa ika-12 ng Marso sa susunod na taon para sa mga pamilyang Bulakenyo na nasalanta ng bagyong Ondoy noong 2009.

    Ipinaliwanag ni Espejo na matapos manalasa ang bagyong Ondoy, namamahagi ng tulong ang simbahan sa mga biktima.

    Kabilang dito ay mga gamit sa bahay, pagkain at mga yero, table at hollow blocks na gamit sa pagkukumpuni ng nasirang bahay.

    Ngunit sinabi niya na nakita ng simbahan na hindi sapat ang kanilang ipinagkaloob na tulong sa mga biktima.

    Ito ay dahil sa karaniwan sa mga biktima ay nakatira sa mga gilid ng ilog kaya’t kapag muling bumagyo at bumaha, muli silang malalapit sa panganib.

    “Nagdesisyon ang simbahan na permanenteng solusyon na ang ibigay, at diyan nabuo ang konsepto ng pabahay kung saan ay ligtas sila at hindi na mangangamba na muling manganib sa baha,” ani ng pari.

    Dahil dito, nangutang ang diyosesis sa bangko at bumili ng limang ektaryang lupa sa Barangay Lumang Bayan at agad na pinasimulan ang konstruksyon ng mga bahay noong nakaraang Disyembre.

    “Galing sa Caritas Australia yung paunang pondo na ginamit namin sa land development, kaya naka-take-off agad ang project,” ani Espejo.

    Ang mga bahay sa Jubilee homes ay nakatirik sa mga loteng may 33 hanggang 35 metro kuwadrado ang sukat.

    Bukod sa mga pamilyang nasalanta ng bagyong Ondoy, sinabi ng pari na bukas din ang Jubilee Homes para sa mga retiradong pari, guro, manggagawa ng simbahan, mga kawani ng gobyerno.

    Gayunpaman, sinabi niya na mas malaking bahagi ng kabuuang mahigit sa 200 bahay na itatayo sa paunang dalawang ektarya ng limang ektaryang lupa ay ipagkakaloob sa mga biktima ng Ondoy.

    Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Father Prospero Tenorio ng Parokya ni San Antonio de Padua sa bayan ng Hagonoy na maraming manggagawa ng diyosesis ang walang sariling bahay.

    “Matagal na silang naglilingkod sa simbahan pero hanggang ngayon ay rumerenta pa sila ng bahay,” ani Tenorio.

    Binigyang diin niya na ang pagbubukas ng Jubilee Homes sa mga manggagawa ng simbahan ay isang pagkilala ng simbahan sa mga ito.

    Hinggil naman sa mga retiradong pari, sinabi ni Tenorio na nais ng mga ito na manatili sa mga pamayanan at maglingkod sa mga tao.

    Ang mga retiradong pari ng diyosesis ay nauna ng ipinagpagawa ng pabahay sa bayan ng San Ildefonso, ngunit ilan sa mga pari ay mas ninanais na manatili na may mga kasama sa bahay.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here