Paaralan hihikayating magparami ng bakawan

    597
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Pinag-aaralan ng pamahalaang lungsod dito ang paghikayat sa mga pampublikong paaralan hindi lamang sa pagtatanim kungdi sa pagpaparami ng binhi ng bakawan.

    Ito ay bilang bahagi ng paglaban sa epekto ng climate change partikular na sa mga pamayanan sa baybayin ng lungsod na ito na katambal ng lungsod ng Legazpi sa lalawigan ng Albay bilang mga “climate change champions” sa hanay ng mga pamahalaang lokal.

    Ayon kay Vice Mayor Gilbert Gatchalian, pinag-aaralan na nila ang malawakang pagpaparami o propagasyon ng mga binhi ng bakawan upang masusitinihan ang pangangailangan ng pamahalaang lungsod sa pagbibigay ng proteksyon sa mga barangay sa tabing dagat.

    Kabilang dito ang mga barangay ng Pamarawan, Namayan, Calero, Caliligawan, Masile at Babatnin.

    “Makikipag-ugnayan kami sa mga public schools lalo na sa mga coastal barangay para magtayo ng nursery ng bakawan upang higit na mapalawak ang mangroves seedling production namin,” ani Gatchalian..

    Ayon sa bise alkalde, bukod sa mahusay na proteksyon sa alon ang bakawan, ang pagapaparami nito ay makapaghahatid din ng dagdag na hanapbuhay.

    Ito ay dahil ang bawat bunga ng bakawan na natipon upang gawing binhi ay binabayaran ng P1, at kapag lumaki ay naibebenta mula P2 hanggang P10 bawat isa.

    Sa kasalukuyan, ang pamahalaang lungsod ng Malolos ay nagmamantine ng isang mangrove nursery na may taunang kapasidad na 10,000 binhi.

    Ang nasabing nursery ay matatagpuan sa Barangay Calero at pinamamahalaan ni Daniel Sta. Ana, isa sa mga kasapi ng Bantay Dagat ng lungsod na nasa ilalim ng pangangasiwa ng City Fisheries and Aquatic Resources Management Council (CFARMC).

    Ayon kay Sta. Ana, may 10 taon na ang nakaraan matapos itayo ang kanilang nursery. Ito ay bunga ng kanilang pagdalo sa ibat-ibang pagsasanay at seminar patungkol sa climate change at pangangalaga sa baybaying pamayanan.

    “Marami kaming natutuhan sa mga seminar at kabilang doon ang kahalagahan ng bakawan kaya nagtayo kami ng sariling nursery,” ani Sta. Ana.

    Iginiit pa niya na sa kasalukuyan, ang kinikita nila sa pag-aalaga ng binhi ay nagagamit nilang panggastos sa pagdalo sa mga dagdag na pagsasanay.

    Binigyang diin naman ni Jaime Magpayo ang kahalagahan ng bakawan bilang proteksyon ng mga pamayanan sa baybaying dagat ng lungsod na ito.

    “Noong nakaraang taon, napakalalaki ng alon sa dagat kaya nahirapan yung bangka namin, pero noong malagay kami sa likod ng mga bakawan ay panatag na panatag ang tubig,” ani Magpayo na siya ring tagapangulo ng CFARMC.

    Ang tinutukoy ni Magpayo ay ang may 13 ektaryang taniman ng bakawan sa Barangay Pamarawan na nagsisilbing panangga sa alon mula sa Manila Bay.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here