Paanyaya sa pagdinig ng DARAB, di-tinanggap ng militar

    522
    0
    SHARE
    FORT RAMON MAGSAYSAY, Palayan City – Napuno ng tensiyon ang isang bahagi ng Fort Magsaysay military reservation nang hindi tanggapin ng matataas na opisyal ng 7th Infantry Division ng Philippine Army (7ID,PA) ang patawag sa pagdinig at kautusan ng status quo ng Department of Agrarian Reform Adjudication Board (DARAB) kamakailan.

    Ayon kay Wilfredo Maglaqui, sheriff ng DARAB, bitbit niya ang ang notice mula kay Vicente Sicat, provincial adjudicator, nang magtungo sa punong himpilan ng 7ID noong Biyernes upang ihatid kaninuman kina Col. Hermino Barrios ng Judge Advocate General’s Office (JAGO), Col. Leonido Bongcawil o Col. Joselito Ayop, bilang kinatawan ng militar.

    Ngunit pagdating niya sa GHQ, ayon kay Maglaqui, ay wala siyang makausap sa naturang mga opsiyal at sa halip ay pinapunta siya sa “visitor’s area”. Tumagal siya doon, ayon kay Maglaqui, hanggang sa magtungo sa Barangay Liwayway, Santa Rosa, Nueva Ecija kung saan naroroon ang pinagtatalunang lupain.

    Ang tinutukoy ng kaso sa DARAB ay bahagi ng 155 ektaryang lupain na umano’y dating pag-aari ng isang Guillermo Roque na ipinasailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng DAR.

    Ngunit ayon sa pamunuan ng militar, ang naturang lupa ay nasasakupan ng dating 73,000 ektaryang Fort Magsaysay Military Reservation (FMMR) kaya’t hindi maaaring ipailalim sa land reform.

    “Parang Martial Law,” ani Maglaqui.

    Pinansin niya na samantalang wala siyang makausap sa GHQ ng 7ID ay biglang dumating sa Barangay Liwayway lahat ng mga opisyal na kanyang hinahanap.

    Sa naturang lugar ay kinausap nina Barrios at iba pang opisyal si Maglaqui sa gitna ng mga nakaposisyong sundalo.

    Ayon kay Barrios, walang hurisdiksiyon sa kanila ang DARAB sapagkat bahagi ng cantonment area ng 7ID at hindi lupang pansakahan ang pinagtatalunang lupain.

    “Ang mabuti sa May 26 ay dumalo, (sa pagdinig ng DARAB),” ayon kay Maglaqui. Pero iginiit ni Barrios na ang kanilang pagdalo sa hearing ay maglalagay lamang sa kanila sa hursidiksiyon ng DARAB.

    Tumanggi siyang kilalanin ang DARAB bilang isang hukuman. Hindi aniya nasasakop ng Supreme Court (SC) ang DARAB.

    Ayon kay Bongcawil, bagama’t naglagay na ng bakod “ayon sa itinatadahana ng batas” ang 7ID sa naturang lupain ay wala silang ginagalaw na okupante doon. Hinayaan aniya ng militar na magtuloy-tuloy ang aktibidad sa lugar, partikular nina Porfirio Gumboc.

    Si Gumboc ay isa sa mga nakatanggap ng CLOA na nagsampa ng kaso sa DARAB.

    Sinabi ni Gumboc na dati silang nagsasaka sa pinagtatalunang lupain, lalo noong nabubuhay pa ang kanyang ama na isa ring sundalo. “Kaya nabigyan kami ng CLOA,” sabi niya.

    Ayon kay Barrios, maaari lamang silang humrap kung sa Regional Trial Court (RTC) isasampa ang kaso.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here