MAHIGIT isang taon pa bago dumatal
ang ating pambansa at halalang lokal,
pero ngayon pa lang itong Manny Paquiao
napabalita nang tatakbo yata raw?
At ang plano nitong sungkitin po yata
ay pagka-pangulo nitong ating bansa?
D’yan sa ganang aking sariling hinuha
may nagtulak lang sa idolo ng madla.
Para magamit ang kanyang katanyagan
at manatili r’yan sa kapangyarihan
itong naghaharing uri sa lipunan
na mga buwaya at lintang katihan?
Kundi man marahil sariling ambisyon
ni Manny, ang higit sa pagka-senador
ay maging pangulo ng kung ilang milyong
mga Pilipino – mabigat na hamon!
Di ko sinasabing di kayang gampanan
ni Paquiao ang maging ‘chief executive’ diyan,
pero di malayong ang kalalabasan
ng ating idolo sa boksing – ‘Kengkoy’ lang.
Eh, kung itong mga ilustradong tao
na karamihan ay mga abogado,
hirap gampanan ang pagiging pangulo
nitong ating bansa – kakayanin nito?
Titulado nga siya, pero ibang klase
ang ‘title’ po niya kaysa kay Duterte;
titulo ni Digong ay pang-presidente,
ang kanya sa ‘boxing’ lang talagang puede!
Tama’t sa ‘ruling’ po ng ating Comelec:
It says that provided one can read and write
May seek any elective post in government,’
(Ang probisyong yan ay dapat nang i-‘correct’).
Upang itong mga maling kalakaran
sa ating eleksyon maituwid na ‘yan
nang naaayon sa tamang panuntunan,
at di ng tulad ng kahit sino na lang.
Ipagpaumanhin ng ating senador
ang ilang bagay na inakala nitong
insulto sa kanya, na aking tinukoy,
pagkat ako’y walang masamang intension.
Kundi ang akin ay paalala lamang
sa ating butihing senador, kabayan
kung saan posibleng ito’y maging daan
ng lalo pa nitong higit ikarangal.
Kasi nga, sakalit siya’y itinulak
lang para humabol, may taglay na bigat
ang kakaharapin sa araw ng bukas,
kapag di nakamit ang gintong pangarap.
Posible rin kasing kumbaga sa pana,
pinaka-palaso o bala ika nga
lamang si Manny r’yan ng sanay sa sakla,
para manatiling sa ‘kickback’ sagana.
At siya na ating idolo ang talo
ang dangal at kanyang buong pagkatao
kundi siya palarin – at ang ‘ending’ nito…
bukas, di na siya kilala ng tao!