LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Humigit kumulang P53.5 milyon karagdagang puhunan ang naipahiram ng Department of Trade and Industry (DTI) sa may 183 micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Bulacan.
Nakapaloob sa naturang halaga ang P21.4 milyon na ipinahiram sa 68 MSMEs sa lalawigan mula Enero hanggang Hunyo 2023 at P32.1 milyon sa 115 MSMEs na natulungan noong 2022.
Ayon kay DTI OIC-Assistant Regional Director at concurrent Bulacan Provincial Director Edna Dizon, ang nasabing pautang ay bahagi ng Resilient, Innovative, Sustainable Enterprises to Unleash your Potential Multipurpose Loan ng Small Business (SB) Corporation.
Ito ang financial arm ng DTI na nakatutok sa pag-agapay sa pagsisimula, pagpapalago at pagpapalaki ng mga MSME sa bansa.
Kabilang ang pagpapalawak ng mga pautang, pagpapabuti at pagpapadali ng sistema nito sa sentro ng mga pinag-usapan sa katatapos na National MSME Summit.
Ayon kay SB Corporation President Robert Bastillo, nananatiling bukas ang P8 bilyon kapitalisasyon ng korporasyon para maagapayan ang mas maraming MSME.
Bukod sa nasabing halaga, may hiwalay pang P750 milyon ang inilaan mula sa pambansang badyet ng 2023 para naman sa Pondo para sa Pagbabago at Paginhawa habang may P1.5 bilyon ang ilalaan dito mula sa panukalang pambansang badyet ng 2024.
Para mas bumilis, dumali at maging epektibo ang proseso sa aplikasyon ng pautang para sa mga MSMEs, target ng Bangko Sentral ng Pilipinas na maging fully operational sa Abril 2024 ang Standard Business Loan Application Form.
Ibig sabihin, iisang application form at mas pinaigsi ang sasagutan ng mga aplikanteng MSME na gagamitin sa lahat ng mga government financial institutions, pribadong bangko, mga kooperatiba at iba pang financial firms na nagbibigay o nagpapahiram ng puhunan sa mga maliliit at katamtamang negosyo. (CLJD/SFV-PIA 3)