LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Sumampa na sa P20 bilyong marka ang halaga ng assets ng nasa 351 na mga aktibong kooperatiba sa Bulacan.
Iyan ang iniulat ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) sa maagang pagbubukas ng Buwan ng Kooperatiba 2023 sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod ng Malolos.
Ayon kay PCEDO Project Development Officer Jerry Caguingin, higit na mas mataas ito sa P17.8 bilyon na naitala ng Cooperative Development Authority (CDA) noong 2022.
Bunsod ito ng patuloy na pagtaas ng produktibidad ng 351 na aktibong mga kooperatiba sa Bulacan na may mga kasapi na aabot sa mahigit sa 359 libo.
Patunay dito ang pagkakaroon ng Bulacan ng nasa anim na mga bilyonaryong kooperatiba.
Nangunguna rito ang San Jose Del Monte Credit and Cooperative na may kabuuang asset ngayon na P3.4 bilyon.
Nasa P1 bilyon hanggang P3 bilyon naman ang mga assets ng St. Martin of Tours ng Bocaue, Manatal Pandi Credit Cooperative, Ligas Kooperatiba ng Bayan sa Pagpapaunlad ng Bayan Inc. ng Malolos, Caniogan Credit Cooperative ng Malolos at ang Bulacan Medical Mission Group Cooperative.
Sa mensahe ng panauhing pandangal na si Dating Gobernador Roberto Pagdanganan, na ngayo’y advisor ng E-HealthCare International Inc. at kilalang Kampeyon ng mga Kooperatiba sa Bulacan, sinabi niyang napakatatag at malayo na ang narating ng mga kooperatiba sa Bulacan.
Taong 1986 nang pasimulan ng pamahalaang panlalawigan ang Kaunlaran sa Pagkakaisa Program.
Nasa halagang P50 libo lamang na panimulang puhunan ang ipinagkaloob ng kapitolyo sa ilang mga kooperatiba noong panahong iyon.
Isa itong pangunahing programang pangkooperatiba na inilunsad ng kapitolyo sa panahon ng kanyang pamamahala upang mahikayat na makasapi sa kooperatiba ang iba’t ibang sektor sa lalawigan.
Binigyang diin pa ng dating gobernador na kung nagtagumpay sa United Kingdom, Germany at South Korea, hindi malayo na nagtatagumpay na rin ang kooperatibismo sa Pilipinas partikular na sa Bulacan.
Nagsisilbi na aniyang ugat, batayan at sandigan ng kaunlaran ang mga kooperatiba sa lalawigan dahil sa pananatiling isang Coop Capital ng Pilipinas kung pagbabasehan ang laki ng assets.
Kaya naman hinikayat ni CDA Assistant Secretary Virgilio Lazaga ang mga kooperatiba na gamitin ang katatagan at kalakasan ng kanilang sektor dito sa Bulacan, upang makapag-ambag na matiyak ang seguridad sa pagkain at maging matatag sa hamon ng Climate Change.
Kaugnay nito, tiniyak ni Bise Gobernador Alexis Castro na hindi mapuputol ang pag-apay ng pamahalaang panlalawigan sa mga kooperatiba upang manatiling nangunguna ang lalawigan sa sektor na ito.
Patunay aniya rito ang Bayanihan Bulakenyo Financing Program for Cooperatives and Micro, Small and Medium Enterprises.
Bahagi nito ang P580 libong halaga ng pautang sa ilalim ng nasabing programa, ang ipinahiram sa pitong mga kooperatiba sa pagbubukas ng Buwan ng Kooperatiba. Tig-P100 libo ang nahiram ng San Ildefonso National High School Credit Cooperative, Bulacan Coop for Christ Multipurpose Cooperative, Malhacan Rural Waterworks Multipurpose Cooperative at Nolan Lucs Homemade Food Products.
Nasa P80 libo ang para sa Salome Custom Dressmaking Services at tig-P50 libo sa Bebe’s Kakanin and Pastry Shop at sa Punique Handicrafts.
Iba pa rito ang ibinigay na farm mechanization provision ng Department of Agrarian Reform para mga agrarian reform communities na Bumaisa Multipurpose Cooperative at Bubulong Malaki Vegetable Growers Multipurpose Cooperative (CLJD/SFV-PIA 3)