Home Headlines P20.58-B halaga ng proyekto sa Bulacan iniaalok sa mga mamumuhunan

P20.58-B halaga ng proyekto sa Bulacan iniaalok sa mga mamumuhunan

382
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nasa P20.58 bilyong halaga ng mga proyekto ang iniaalok ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa mga lokal at dayuhang mamumuhunan.

Ang mga ito ay makakatulong sa lalawigan na maging isang “First World Province” pagsapit ng taong 2040.

Sa ginanap na Joint Bulacan Business Conference at Invest Bulacan Summit 2023, sinabi ni Provincial Planning and Development Office Head Arlene Pascual na nilalaman ng mga proyektong ito ang pagpapatayo ng mga bagong imprastraktura sa tulong ng pribadong sektor na hahatak ng mas marami pang pamumuhunan para makapasok sa Bulacan.

Apat na pangunahing proyekto ang iniaalok ng Kapitolyo para sa potensiyal na pamumuhunan.

Pangunahin dito ang P6.20 bilyon na Satellite Government Center and Eco-Tourism Hub na ilalagak sa bayan ng Donya Remedios Trinidad.

Iprinisinta ni Provincial Planning and Development Office Head Arlene Pascual ang nasa P20.58 bilyong halaga ng mga proyekto na iniaalok ng Kapitolyo sa mga mamumuhunan, sa ginanap na Joint Bulacan Business Conference at Invest Bulacan Summit 2023. (Bulacan Chamber of Commerce and Industry)

Partikular na bukas para sa mga mamumuhunan ang planong Eco-Tourism Facilities at iba pang tourism infrastructure.

Makakatabi nito ang mga national and provincial government agencies, Bulacan Farmers’ Productivity Center, Livestock Multiplier Farm and Breeding Center, Comprehensive Reformation Center at training center ng Technical Education and Skills Development Authority.

Ang P5.01 bilyon na Bulacan Mega City Project naman ay nagsimula nang lagakan ng pamumuhunan.

Una rito ang nasa P15 bilyong pamumuhunan mula sa lungsod ng Changsha ng bansang Tsina sa larangan ng vehicle assembly, construction, real estate at fisheries and aquaculture.

Matatagpuan ito sa 400 ektarya na magkakadugtong na lupa sa Pandi, Bocaue at Balagtas na nasa tabi ng northbound lane ng North Luzon Expressway.

Pormal na ring iniaalok ng Kapitolyo ang P4.80 bilyong komersiyalisasyon ng dating Provincial Engineering Office Compound na nasa barangay Tabang sa bayan ng Guiguinto.

Ayon kay Pascual, may laking walong ektarya ang lupang ito na katabi ng Manila North Road o Mac Arthur Highway at ilang hakbang lamang mula sa magiging Guiguinto Station ng North-South Commuter Railway project.

Bukas ito sa mga mamumuhunan sa larangan ng vertical real estate, transport terminal, park & ride facilities at retail spaces.

Balak din ng Kapitolyo na paupahan ang ilang bahagi sa mga frontline government agencies.

Magpapatuloy na rin ang konstruksyon ng Bulacan Cyber Park and Business District kung saan may inisyal na P4.57 bilyon ang halaga ng pagbubuo rito.

Pangunahin sa mga itatayo rito ang high rise towers para sa office spaces ng mga information and communication technology, business processing outsourcing, dormitories, retail and shopping outlets, transport terminal, convention centers, hotel at iba pang meetings, incentives, conferences at exhibitions facilities.

Nakuhang konsesyonaryo ng proyekto ang Robinson’s Land Corporation na pansamantalang nahinto noong tumama ang pandemya. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here