SAN FELIPE, Zambales – Pormal ng sinimulan ng Korean delegates at ng lokal na pamahalaan ng Zambales ang ground-breaking ceremony sa pagpapatayo ng P2-milyong multipurpose hall sa Barangay Sto. Nino, San Felipe, Zambales.
Matapos ang ground-breaking, isinagawa naman ang ritual ng mga ilokano, ang pag-aalay ng puti at itim na manok para maitaboy ang umano’y masamang espiritu sa pagpapatayo ng gusali.
Malaki ang pasasalamat ni San Felipe Mayor Carolyn Farinas sa mga Korean delegates sa pagbibigay ng prayoridad sa bayan ng San Felipe para maitayo ang multipurpose hall.
Sinabi pa ng alkalde na ang proyekto ay nagkakahalaga ng P2-milyong piso at inaasahang ito ay matatapos sa kalagitnaan ng 2012.
Ayon kay Zambales Governor Hermogenes Ebdane, Jr., isa itong palatandaan na matatag parin ang relasyon sa pagitan ng Korea at ng Pilipinas na nagsimula pa ng kapanahunan ng dating Pangulong Fidel Ramos.
Kasunod nito, nagtungo sa Sitio Cabaroan, Barangay Feria, dito ang mga Koreano para mamigay ng pagkain, blangket, damit at bigas sa mga aeta.
Nagtungo din ang mga Korean delegates sa Castillejos, Zambales at namigay ng relief goods sa mga aeta at sa panimula ng kanilang programang nagpakita naman ng gilas ang mga aeta sa pagsayaw gaya ng “monkey dance at crocodile dance” upang bigyan ng kasiyahan ang mga Koreano.
Kasunod nito ang pamamahagi ng mga Korean delegates ng relief goods sa mga aeta.
At bilang pasubali pinaabot naman ng mga aetas kay Castillejos Mayor Jose Angelo Dominguez ang munting ala-alang souvenirs.
Sinabi ni Eddie Kim, interpreter ni Park Mong Yong ng Gyeong Sangbuk-Do na simula pa lamang ito ng kanilang pagtulong sa mga Zambalenos.
Nauna ng nagsagawa ng feeding program sa Barangay Rabanes, San Marcelino, Zambales sa mga aeta at ang ground-breaking sa pagpapatayo ng high school building at palenke doon.