Hindi ebidensya, kundi pulitika
Itong malinaw na ating nakikita
Upang ma-‘impeach’ si Chief Justice Corona,
Ng mga ‘senator judges’ na huhusga
Ya’y kung itong higit na nakararami
Na kaalyado ng ating Presidente
Ay boboto ayon sa gusto ng huli
At di sa kung anong dikta ng sarili.
At maging ang sadyang mga kaalyado
Ni Madam ay di na rin nito siguro
Maasahang siya’y protektahan nito
Dala ng kung anong mga pakunsuelo.
Kapalit ng pagbaligtad halimabawa
Para lamang makatanggap ng biyaya
Mula sa Palasyo, kaysa sila’y wala
Ng ni ano pa mang bagay na mapala.
Pagkat ngayon pa lang ay napakatunog
Na nitong umano’y gapangan sa loob
Ng Senado, at kung saan tersio halos
Itong kay PNoy ay makiling ng lubos
Una, ng dahil sa nangapilitan na
Ang marami upang kumagat kumbaga,
Partikular na riyan ang dating pro-Gloria
Na takot madamay sa naging kaso niya.
Liban sa posibleng sila ay mawalan
Ng ‘biyaya’ mula sa pamahalaan,
Sakali’t bumoto pa rin ng pabor yan
Kay Justice Corona para di matanggal.
Kasi nga, bukod sa sila ay posibleng
Kay PNoy ay walang ‘grasyang’ tatanggapin,
Kung sa dating Pangulo ay kampi pa rin,
Ay baka para ng nagtampo sa kanin
Ang sinumang ayaw makipagtulungan
Upang ang lahat ng kanyang kagustuhan
Ang siyang mangyari sa kaparaanang
Maki-isa sila sa Administrasyon n’yan.
Sapagkat maliban sa puntong nasabi
Ay hindi rin naman posibleng mangyari,
Na sila’y mawalan ng ‘pork barrel’ pati
Sa isang kumpas ng ating Presidente.
Lalo’t hawak na niya ang buton ika nga
Upang ang anumang nais ipagawa
Ang s’yang marapat na sundin kaipala
Sa panahon ng kanyang pamamahala.
Na ala ‘marshal law’ kung makontrol nito
Ng lubusan pati ang kilos ng tao;
Gaya nitong ngayong di lamang Kongreso
Kundi pati na rin ang ating Senado
Ay tila hawak na ni Pangulong PNoy,
Kung kaya posibleng pati na rin Hukom
Sa ‘highest tribunal’ nanaisin nitong
Idikta sa anong hangad na isulong?
Aywan kung isa yan sa ‘tuwid na daan’
Na balakin upang ang katiwalian
Ay masugpo nito sa kaparaanang
Pati ang Supreme Court pinakikialaman?
Kung saan kapagka ito ang nasira
At ang tiwala ng tao ay nawala,
Saan na hahantong itong ating bansa
Kundi sa tiyak na pagkapariwara?