SA AKALA kaya r’yan ng Kagawaran
ng Edukasyon ay may matututuhan
itong ating mga batang mag-aaral
sa ‘home schooling’ na isinusulong n’yan?
Kung sa pisikal ngang pumapasok sila
sa loob ng klase hirap itong iba
na masakyan n’yan ang turo sa kanila,
sa ‘online’ pa kaya at di sa eskwela?
Kung saan marami riyan ang posibleng
imbes leksyon n’yan ang kanilang harapin
ay itong ‘online games’ ngayon sa computer
ang maisipan na palaging laruin?
Ipagpalagay na nating mas mainam
ang sa ‘home schooling’ kaysa nakagisnan
nating mga guro ang siyang pisikal
na nagtuturo at siyang gumagabay;
Pero naisip ba nitong nagsusulong
sa ‘home schooling’ kung makaya r’yan nitong
dukhang magulang na maibili itong
kahit solong anak ng ‘gadget to use for?’
Lalo itong di lang dalawa o tatlo
ang anak na dapat ibili rin nito
ng ganyan para lang makapasok ito
sa ‘home schooling’ na lubhang kumplikado.
Sabihin na nating libre ang paggamit,
ng ‘wifi’ pati na itong sa Internet,
kumusta na itong nasa ‘remote places,’
gaya ng ang bahay nila’y nasa bukid?
Sa puntong ito ay mas makabubuting
ipagpaliban na muna ang ‘school year
20 – 21’ at atin nang laktawin
itong sa Hunyo ay naisipang gawin.
Dahilan na rin sa maraming magulang
itong anak ay di papapasukin n’yan
pagkat takot nga na baka mahawaan
yan sa ‘Covid-19 na nakamamatay.
Kaya kung ipilit ng DepEd ang klase
ng pagtuturo na ‘gadget’ itong bale
gagamitin nitong mga estudyante,
ang mahihinto ay tiyak na marami.
Sanhi nang di lahat makayanan nga n’yan
ibili ng kahit ‘gadget’ na ‘second hand’
itong mga anak nilang nag-aaral,
lalo na ang hirap d’yan sa pamumuhay.
Lalo na nga itong sadyang maralita,
na ika nga’y isang kahig, isang tuka
at ni pamamahay ng iba ay wala –
ang matustusan ang ‘schooling’ ng bata?
Manapa, gaya ng suhestyon ng marami
ipagpaliban na hangga’t maaari
sa isang taon itong pagbukas ng klase,
upang ang lahat na’y mapagbigyan pati.
At di tulad nitong mga anak lamang
ng mga maykaya at/o mayayaman
ang sa ‘online schooling’ puedeng mag-aral,
at itong dukha ay mapag-iiwanan?!