ITONG isyu hinggil sa Philhealth, kung saan
ang WellMed, na isang pribadong ospital,
may ‘ghost patients’ sila at bayad din naman
sa ‘multo’ rin yatang serbisyong naturan.
At base sa record matagal na itong
sa Philhealth mayroong ganitong transaksyon,
malaki-laki na rin itong nakotong
ng WellMed ‘within just one year, two, three to four’,
Ya’y kinakailangang matutukan agad
at makasuhan ng Estafa ang lahat
ng posibleng sangkot, at maputol kagyat
ang ganitong pandarayang nagaganap
Sa pagitan nitong sinumang opisyal
ng Philhealth at nitong tumatayo bilang
‘representative’ ng WellMed o sinumang
‘caretaker’ na siyang direktang may alam.
Tama bang magdagdag sila ng maysakit
na kunwari kay Doc nagpa-dialysis,
ang ‘under renal care’ at ito’y isingit
n’yan sa ika nga ay ‘genuine master list’?
Kung saan liban sa karagdagang bilang
nang na-dialysis, ‘ghost’ din ang kasabay
na bayaring sa ‘bill’ ipinapatong n’yan
upang kumita sa di pinagpaguran?
Pati ‘number of days’ r’yan ng ‘admission
nang na-‘dialysis palaging may patong,
at kung saan imbes ‘one week’ lamang itong
dapat isingil ay minsan ‘almost double’.
Kaya kung ako ang siyang tatanungin
hinggil sa utos na ‘by force’ pinag-resigned
ni Health Sec Duque ang kanyang magagaling
na ‘subordinates’ ay tama lang marahil.
Puwera na lang kung di sila ang direktang
‘in person’ kasabuwat nitong mga hunghang
na ‘representative’ ng klinikang iyan,
kaya wala silang dapat panagutan
Kundi bagkus itong tagapamahala
sa ‘records,’ na siya’ng sa lahat ng biyaya
na dulot ng grabeng sabuwatan, ika nga
ang pupuedeng makasuhan, kaipala.
Kung saan ang tulad nitong WellMed clinic,
na nahulian ng ganitong ‘malpractice’
ang siyang sa isyu r’yan ng ‘ghost’ dialysis
at iba pa itong kailangang isabit.
Di kakaunting pera ng pamahalaan,
partikular na ng Philhealth sa isyung ‘yan,
ang nakukurakot lang nitong buwayang
kati sa gobyerno sa ganyang paraan.
Tulad na lamang nang nangyayari ngayon
na kung saan pati itong instutusyong
gaya nga ng Philhealth, naglipana itong
mga kawatan at saka mandarambong.
Kung kinakailangang sila’y masampahan
ng kasong sibil at/o kasong kriminal,
gawin na kaagad para n’yan matikman
ang bigat ng dapat nilang panagutan.
Kasunod ng pagkansela o pagbawi
sa ‘business permit’ ng WellMed – at hindi
na makagawa r’yan ng milagro uli
ang kung sinu-sinong ‘trusted’ ng may-ari!