OLONGAPO CITY- Tila nilulukuban na ng masasamang espiritu ang isang pari at kanyang obispo nang mag-aaway ang mga ito dahil sa perang kinita ng Immaculate Conception Church sa Barangay Barrretto sa lungsod na ito.
Inakusahan ni Fr. Rodel San Juan ang secretary ng nasabing parokya na nakilalang si Shena Silvederio
ng umano’y pagnanakaw matapos na mawala ang hard disk drive ng computer kung saan naka-file ang lahat ng dokumento na may kinalaman sa simbahan.
Ganun din ang pagkawala ng umano’y P10 milyong pera ng simbahan. Si Silvederio ay tinanggal bilang secretary ng simbahan at inakusan naman nito si San Juan sa National Labor Relations Commission ng kasong illegal dismissal dahilan sa wala umanong “due process” ang pagkakatanggal sa kanya.
Lalo namang umigting ang iringan ng bawat isa nang kampihan umano ni Bishop Florentino Lavarias si Silvederio hanggang sa dumating sa puntong suspendihin niya si San Juan noong November 23, 2013 mula sa pagiging paroko sa nasabing simbahan.
Sinikap na kapanayamin ng Punto sina Bishop Lavarias at Fr. San Juan, subalit ayaw magbigay ng anumang pahayag ang mga ito. Dahil dito, nahahati ngayon ang parokya. Mula nang magsimula ang simbang gabi si
San Juan pa rin ang nagmimisa sa kabila ng kanyang suspension order, samantalang nagmimisa din sa Driftwood Beach Resort si Fr. Reymann Catindig.